Mga trahedya ng barko na pag-aari ng Sulpicio

NAKALULUNOS ang sinapit ng mga pasahero at crew ng M/V Princess of the Stars na pag-aari ng Sulpicio Lines. Hanggang ngayon, 57 pa lamang ang naitatalang survivors sa mahigit 800 kataong sakay ng barko.

Pinansin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na ang pangyayaring ito ay ika-apat na sa malalaking sea tragedies na kinasangkutan ng mga barko ng Sulpicio.

Ang M/V Doña Paz ay bumangga sa M/T Vector noong Disyembre 20,1987 at mahigit 4,000 pasahero ang namatay. Ang naturang insidente ang itinuring na pinakamalaking “maritime tragedy” sa buong mundo.

Ang M/V Doña Marilyn ay lumubog noong Oktubre 24, 1988, habang bumibiyahe patungong Tacloban, Leyte mula Maynila at 77 ang namatay.

Ang M/V Princess of the Orient ay lumubog noong Setyembre 18, 1998 sa may Fortune Island sa Batangas, at 70 ang namatay. Ang mga barkong nabanggit, kabilang ang M/V Princess of the Stars, ay ipinagmamalaki ng Sulpicio na mga de-kalidad daw nilang barko.

Dahil dito, nanawagan si Jinggoy sa mga awtoridad na magsagawa ng pagsusuri sa mga trahedya sa dagat na kinasangkutan ng mga barko ng Sulpicio.

Ayon kay Jinggoy, tila hindi natuto at nagsagawa ng pagwawasto ang Sulpicio sa kabila ng mga nangyaring trahedya. Dapat ay maging huling trahedya na sa dagat ang sinapit ng M/V Princess of the Stars. Kailangan nang magkaroon ng hakbang para wala nang masasayang na buhay sa pagbibiyahe sa karagatan dahil lang sa mga pagkakamali, kakulangan at kapabayaan ng kinauukulan.

Show comments