Ayy! Mali!!
IPINUPURSIGI ng Senado ang pagsasabatas ng Senate Bill 1160 na naglalayong magtatag ng Human Rights Resources Centers (HRRCs) para dulugan ng mga biktima ng wrongful arrests. Klasikong ehemplo ng maling pag-aresto si ex-sgt. Ricardo “Edgar” Gomolon na nadawit sa May 16 robbery-slay ng 10-katao sa Rizal Commercial Banking Corporation sa Cabuyao.
Hindi naman pala nabanggit ng sino man sa mga testigo ang ngalan ni Gomolon bilang kasama sa holdapan. Kaya lang, naisampa na ang kaso at naghihintay na lang ng arraignment. Ang asawa ni Gomolon na si Leah ay hindi malaman kung kanino dudulog para magtamo ng hustisya. Si Gomolon ay inaresto at iniharap sa media ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni Dir. Geary Barias, at pinangalanang isa sa mga suspek sa krimen. Ang itinuro ng 9-anyos na pulubi na namataan niya sa bisinidad ng RCBC-Cabuyao nang maganap ang krimen ay sina S/G Joel dela Cruz at isang Allan Bago. Hindi nabanggit ang ngalan ni Gomolon.
Hindi rin nabanggit ng isa pang testigo si Gomolon sa kanyang testimonya. Ang testigong ito ang umano’y “lookout” ng mga holdaper. Kaya lang, naisampa na ang kaso laban sa kanya, kasama sina dela Cruz at Jesus Narvaez.
Kaduda-duda rin ang pagkapatay sa tatlo pang sinasabing suspek sa RCBC case sa Tanauan. Suspetsa ng iba, sadyang pinatahimik ang mga ito para huwag nang malantad ang tunay na utak sa krimen. Maging si Hu-man Rights Commissioner Laila de Lima ay kumbinsido na may “rubout” na naganap.
Kinilala ng batang saksi si Bago na siyang huling pumasok sa banko na armado. Sumuko si dela Cruz pero hindi pa rin lumulutang si Bago. Ang masakit, si Gomolon ang napagdiskitihan. Kung mayroon na sanang HRRC, may ahensyang puwedeng dulugan ang mga biktima ng wrongful arrests.
- Latest
- Trending