TAMA lang na suspindehin ang operasyon ng mga barko ng Sulpicio Lines habang iniimbestigahan ang paglubog ng M/V Princess of the Stars. Kung hindi isususpinde ang kanilang operasyon maaaring ipagpatuloy ang kanilang pagbibiyahe at mayroon na namang mangyaring trahedya. Ang paglubog ng Princess of the Stars ay ikaapat na sa mga trahedyang kinasangkutan ng mga barko ng Sulpicio. At hindi na natuto ang Sulpicio sa mga nangyari sa kanilang trahedya. Dapat lang na itigil o kaya’y tuluyan nang kanselahin ang kanilang prankisa sa paglalayag. Hindi na dapat pang maulit ang trahedya na ang mga kawawang pasahero ang nagbuwis ng buhay. Napakasakit ng nangyaring ito na dahil sa kawalang ingat o kapabayaan ng barko ay namatay ang maraming pasahero. Habang sinusulat ang editoryal na ito, 57 na ang naitalang nakaligtas sa paglubog ng barko. Pinaniniwalaang marami ang nakulong sa tumaob na barko.
Kung noon pang 1987 sinuspinde ang operasyon ng mga barko ng Sulpicio, tiyak na hindi na nadagdagan pa ang mga namatay sa trahedya. Imagine, 4,000 katao ang namatay nang bumangga ang M/V Doña Paz sa M/T Vector noong December 1987 sa karagatang malapit sa Oriental Mindoro. Kumalat ang langis mula sa Vector at nagliyab ang karagatan. Marami sa mga kamag-anakan ng mga biktima ng Doña Paz ay hindi pa rin matanggap hanggang sa kasalukuyan ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay. At lalo pang umaantak ang sugat sapagkat marami ang hindi pa umano nakatatanggap ng kompensasyon mula sa Sulpicio.
Tatlong barko pa ng Sulpicio ang lumubog at nagbuwis ang maraming buhay. Noong October 1988, lumubog ang Doña Marilyn sa Leyte at 300 katao ang namatay. Noong September 1998, lumubog ang M/V Princess of the Orient sa may Cavite at Batangas at 200 ang namatay. At ikaapat nga ang M/V Princess of the Stars na 700 katao ang pinaniniwalaang namatay.
Umuusad na ang imbestigasyon sa paglubog ng barko ng Sulpicio at sana naman sa pagkakataong ito ay makakakamit na ng hustisya ang mga biktima. Hindi rin dapat makaligtas sa pag-uusig ang Philippine Coast Guard na nagpahintulot maglayag ang barko. Parehong gisahin ang mga ito.