LINGGO ng hapon, nakalipas na ang hagupit ng bag yong Frank sa Metro Manila nang magdesisyon si Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) President Atty. Adel A. Tamano na kanselahin pa rin ang klase sa PLM sa kinabukasang Lunes. Wala pang anunsiyo ang CHED (Commission on Higher Education) sa kanselasyon para sa mga college students subalit hindi pinatagal pa ni Atty. Tamano ang alinlangan ng mga mag-aaral, magulang at mga empleyado ng PLM. Sa sumunod na dalawang oras, nagsuspinde rin ng klase ang UST at ang St. Scholastica’s College.
May mga alituntunin ang batas tungkol sa pagsuspinde ng klase sa iba’t ibang antas -– ang DepEd ang may kuntrol hanggang high school habang ang CHED naman ang may hawak sa college paitaas. Kapag masama ang panahon, ang mga storm warning ng PAGASA ang batayan ng anumang desisyon. Ang kaso’y napakabantot ng timing ng pamahalaan sa pagsuspinde. Late lagi ang anunsyo -– kadalasa’y nasa eskuwelahan na ang mga pobreng mag-aaral bago ibaba ang deklarasyon. Ok sana kung ulan lang ang kalaban. Eh dahil na rin sa kapabayaan ng tao at ng gobyerno, dagdag suliranin ang BAHA at ang dala nitong problema.
Sa PSN editoryal nung Lunes, pinaalala ang kahalagahan ng maagang pagdeklara ng NO CLASSES dahil sa sama ng panahon. Ngayon nga namang paumpisa na ang pasukan, kritikal na solusyonan itong taunang hinanakit ng magulang. Hindi nga ba’t marami nang nagpanukalang baguhin ang kalendaryo upang mataon ang bagyo sa buwang walang pasok? Maaring dumating ang oras na biglain tayo ng ganito. Bago umabot sa ganitong ultimatum, subukan muna ang ibang alternatibo: Automatic two-day suspensions imbes na isa; mga extension para sa mga kanseladong araw. Siyempre, hoy gising din lang ang katapat ng antuking DepEd at malaking tu- long din tiyak kung linisin ang mga kanal at estero lagi para mabawasan ang baha.
Dahil sa maagap na aksyon ng PLM, maaga pa lang ay naikalat na sa PLM community ang balita. Sa ibang mga pamantasan, maghahatinggabi na nang kinumpirma ng Malacañang na wa-lang pasok – marami na ring nakatulog na.