MATATAPOS na ang matagal na paghihintay ng Pilipino veterans na nakipaglaban sa mga Hapones noong World War II. Maaari na silang makatanggap ng benefits na tinatanggap ng kanilang American counterparts. Tatalakayin na kasi sa US House of Representatives ang HB 760 na may kaugnayan sa benefits ng Pinoy veterans.
Unang tinalakay at na-approved sa US Senate sa pamamagitan ni Sen. Daniel Akaka ng Hawaii noong April 24 ang tinawag na Filipino Veterans Equity Act o ang SB 1315. Lumusot ang nasabing panukala dahil matinding pinagdebatehan sa Senado. Upang maipasa ng US House ang HB 760, kinakailangan ng 290 boto.Tinataya na mas madaling maipasa ito sa House kaysa sa nang-yari sa Senado.
Ang kailangan nga lamang ngayon ay ang pag kakaisa ng Pil-Americans upang ilakad sa kani-kanilang mga congressmen na suportahan ang nasabing panukala para madaling maipasa. Ang Coalition of Filipino War Veterans at ang National Federation of Pilipino American Associations ay ilan lamang sa inaasahang tutulong upang masigurong makuha ang suporta na mailusot ang House Bill.
Napakahirap unawain kung bakit tumagal na mabigyan ng angkop na benepisyo ng US government ang Pilipino veterans. Natatandaan ko ang pangako ni US Pres. Franklin Delano Roosevelt sa mga Pilipinong sumama para makipaglaban sa mga Hapones noong World War II. Ayon kay Roosevelt, tatanggap ng kaukulang bene-pisyo ang mga Pilipino katulad ng tinatanggap ng mga sundalong Kano.
Dapat magtulung-tulong ang Pil-Ams at siguruhing magiging tagumpay ang matagal nang adhikain ng mga kababayang beterano na naghintay nang matagal na panahon sa ipinangako sa kanila. Marami sa mga beterano ay pumanaw na at hindi napakinabangan ang pinangarap na benepisyo.