EDITORYAL – Balik-school ang mga batang manggagawa

MAGANDANG malaman na may proyekto ang  Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga batang manggagawa. Ito ay ang pagbibi-    gay ng libreng edukasyon sa may 9,000 batang manggagawa sa buong bansa. Ito yung mga batang naghahanapbuhay para makatulong sa kanilang mga magulang at kapatid. Sila rin iyong bumabalikat ng responsibilidad na iniwan ng kanilang mga magulang. Sila yung mga kabataan na nagpapatulo ng pawis sa mga pabrika ng sitsirya, paputok, noodles, kendi, at marami pang iba. Sila rin yung mga nangangalahig ng basura, nagtitinda ng bag o supot sa mga palengke, nagtitinda ng diyaryo, tagabantay ng kotse, tagatinda ng basahan sa kalye at iba pang mahirap na trabaho na nagiging dahilan para mabingit sila sa kamatayan.

Karamihan sa kanila ay hindi nakatuntong ng school kaya hindi marunong sumulat at bumasa. Ang ilan ay nakatuntong ng elementarya pero napi­litang tumigil sa pag-aaral para makatulong sa mga magulang at kapatid. Ang iba ay wala nang mabaon sa school kaya napilitang tumigil at nagpatulo na lamang ng pawis para may maibili ng pagkain.

Kawawa ang kalagayan ng mga batang mang­gagawa sapagkat napagkaitan ng pagkakataong makapag-aral. Gustuhin man nilang mag-aral ay hindi maaari sapagkat mas mahalaga ang ilalaman sa kanilang bituka. Kung hind sila magtatrabaho ay maninigas sila sa gutom. Pinili nilang magtrabaho sapagkat iyon ang nararapat para sila mabuhay.

Nakatakda nang i-implement ng DOLE ang apat na taong project para mabigyan ng libreng edukas­yon ang mga batang manggagawa. Katuwang ng  DOLE sa kanilang project ang World Vision Development Foundation at ang Christian Children’s Fund. Ang project ayon kay Labor secretary Maria­nito Roque ay tinaguriang “Pag-aaral ng mga bata para sa kinabukasan”.

Sana ay magtuluy-tuloy at walang maging pro­blema ang DOLE at ang mga sponsor para sa pag­bibigay ng libreng edukasyon sa mga batang mang­gagawa. Ang proyektong ito ay napakamakabuluhan sapagkat matututuhan ng mga bata na tahakin ang magandang bukas sa pamamagitan ng pagkakamit ng edukasyon. Hindi na sila magpapakamatay sa pagtatrabaho sa mainit na pabrika, mabahong tam­bakan ng basura, mapanghing kalsada at iba pa. Sa school nila gugugulin ang kanilang kabataan.

Show comments