KUNG tutuusin, chicken feed ang halagang sampung milyon para sa ABS-CBN na pinaglilingkuran ni Ces Oreña Drilon, ang reporter na dinukot umano ng Abu Sayyaf.
Sa kalagayang pangkagipitan, dapat marahil ibigay ang naturang halaga para sa kalayaan ni Ces at dalawa pang TV crew. Pero parang naisahan na naman, hindi lang ang ABS-CBN kundi ang buong sambayanang Pilipino ng mga bandidong terorista. Kaya ang sagot ng pinakamalaking broadcast corporation sa bansa, hindi ito magbibigay ng ransom.
Kailan ba talaga madudurog ang mga tulisang ito? This group always manage to pull a surprise. Si Ces ay maliit na bahagi lamang ng mga dambuhalang panliligalig ng grupong ito. Ilang ulo ba ng Abu Sayyaf ang dapat mapu got bago tuluyang maparalisa ito?
Napatay na ang pinaka-pinuno nito na si Abdurajak Janjalani. Nailigpit na rin sa isang enkuwentro si Abu Sa-baya, ang isa pang lider ng grupo na si Ghalib Andang at ang kapatid ni Abdurajak na si Khadaffi Janjalani at ang spokesman ng grupo na si Abu Sulayman. Pero muling napatunayan ng grupo na hindi basta-basta mapupuksa ito.
Ang masakit, nagmimistulang inutil ang ating military at pulisya na palagi na lang naiisahan ng grupong ito. Bakit? Mas makapangyarihan pa ba ang Abu Sayyaf kaysa pinagsanib na puwersa ng military at pulisya?
Leksyon din ang nangyari sa ABS-CBN crew sa ibang media practitioners. Huwag nang tangkaing interbyuhin ang grupong Abu Sayyaf dahil wala namang ipinaglalabang prinsipyo o ideyolohiya iyan. They are plain bandits whose sole objective is to sow terror and earn millions in a quick and easy way. Ang isang media practitioner ay ituturing nilang VIP in the sense na siguradong babayaran ang hihingin nilang ransom kapag ang mga ito’y dinukot nila. To enter the coven of these evil elements is suicide. Kung wala nang lalapit na importanteng tao sa mga iyan, wala silang tsansang gumawa ng kabalbalan.