(Part II)
NUNG NAKARAANG LUNES naisulat ko ang brutal na pagpatay kay Former Mayor Ramon “Monching” Pagdanganan ng Calumpit, Bulacan.
Noong ika-8 ng gabi, May 4, 2008, dumadalo sa isang pistahan sa Brgy. Calizon, Calumpit, Bulacan si Monching ng biglang pagbabarilin ng mga ‘di kilalang tao.
Limang tama ng bala ang tumapos kay Monching mula sa .357 high powered revolver na gamit ng gunmen. Bagsak na ang dating mayor pinagbabaril pa at karamihan ay sa ulo ang tama. Isang babae na malapit kay Monching ang kanyang katabi ng mabaril ito. Bagamat ayaw umanong iwan si Monching hinatak siya ng ilang mga kasama sa umpukan nung gabing yun.
Walang “spent shells” o basyo ng bala sa crime scene at ayon na rin sa ballistics report ng SOCO, maari daw .38 o .357 caliber ang ginamit. Ang sinuman bihasa sa basic crime investigation ay magsasabi na malamang .357 yan para siguradong patay agad ang biktima. High powered kasi ang Cal.357.
Piyesta nun at nasa Fajardo Compound itong si Monching.
Nasa terrace ng bahay ni Raymundo Fajardo kung saan merong kainan, inuman at kantahan sa lugar na yun. Kasabay ang mga paputok ng kwitis dahil fiesta umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Walang awang pinaputukan si Monching hanggang bumuwal itong duguan at patay agad. Walang laban ng patayin si Monching dahil hindi siya armado.
“Nasa loob ng kotse ang baril ni Monching nung tambangan siya. Matapang itong si Monching na kahit meron na siyang pakiramdam na may mga taong umaaligid sa kanya hindi pa rin ito nagsukbit ng baril at walang bodyguard na kasama,” ayon sa isang source na ayaw magpakilala.
Noong May 20, 2008 pumunta sa aming tangapan si Former Governor Roberto “Obet” Pagdanganan ng Bulacan. Tinalakay namin ang kasong pagpatay sa kanyang nakababatang kapatid na si Monching sa aming programang “Hustisya Para sa Lahat sa DWIZ” kung saan isiniwalat ang angulong “GRAND CONSPIRACY.”
Tinanong namin siya kung anong basehan niya kung bakit niya nasabi na may grand conspiracy sa pagpatay sa kanyang kapatid.
“He was murdered treacherously by hired professional assassins. Ang pagkamatay niya ay isang malinaw na bunga ng malaking sabwatan ng katiwalian at malasindikatong paghahari sa Bulacan.
“Ang sabwatan ng ilang matataas na opisyal ng kapitolyo ng Bulacan, Bulacan PNP command, ng Piskalya, Huwes at ang mga hepe ng pulis ng San Ildefonso at Angat ay may iisang layunin. Layunin na protektahan at pagtakpan ang nagngangalang Leobando “Leo” Piadozo ukol sa pagpatay sa isang Dr. Norman Josue noong May 14, 2006.” matapang na sagot ni Obet.
SINO SI LEO PIADOZO? Siya ay nahaharap sa kasong Murder sa sala ni Judge Basilio R. Gabo Jr., Branch 11 sa Malolos City, Bulacan. NO BAIL RECOMMENDED ang inilabas na warrant of arrest laban dito.
Malakas umano si Piadozo ayon kay Obet sa mga pulis at opisyales ng lalawigan dahil maski na merong warrant of arrest ito ay malayang nakakagala sa anumang lugar sa Bulacan. May mga taong kumakanlong daw dito kay Piadozo kaya’t malakas ang kanyang loob.
“Sa katunayan tumakbo ito sa Barangay Sapang Bulak, DRT, Bulacan bilang barangay captain at akalain mong nanalo pa. Malayang nakakampanya ito kaya nga nanalo, It is very obvious na merong malaking tao na nasa likod niya, pahayag ni Obet.”
Ayon sa mga reports na nakukuha nila Obet mula sa mga taong loyal sa kanila at pati na rin mismo umano galing kay Piadozo, pinangangalandakan nito na bata daw siya ni Bulacan Governor Jon-Jon Mendoza. Isang bagay na itinatanggi ng gobernador.
Dahil dito nabansangang “untouchable” si Piadozo sa lalawigan ng Bulacan.
“Mismong si Piadozo ang nagsasabi na suportado siya ni Governor Mendoza at malaya siyang nakakagawa ng illegal logging, pagmimina at iba pang illegal na gawain as DRT, Bulacan.” pahayag ni Obet.
December 4, 2007 lumutang itong si Piadozo at sumurender kay Senior State Prosecutor Emmanuel “Manny” Velasco. Aking kinausap si Manny at inamin na sa kanya sumuko ito at nagbigay ng sinumpaang salaysay.
Matapos nun at lumabas sa telebisyon itong si Leo upang idawit si Monching bilang mastermind sa pagpatay kay Dr. Norman Josue noong May 14, 2006.
Si Dr. Josue ay bayaw ng incumbent Mayor ng Calumpit, James de Jesus at kilalang masugid na political supporter nito.
Bago mag-senatorial at local elections nang lumutang itong si Piadozo kaya’t mabilis na sumigaw na “politically motivated” ang lahat para sirain ang pangalan ng mga Pagdanganan sa mga taga Bulacan.
Nabalitaan ni Monching mula sa ilang opisyales ng kapitolyo na nagkaroon di umano ng “deal” na ituro lamang nitong si Piadozo na mastermind sa pagpatay kay Dr. Josue si Monching gagawin umano siyang “state witness” at hindi ito makukulong.
Bukod pa dito makatatanggap umano ito ng malaking halaga.
Sa provincial jail ng Bulacan dapat ikulong si Piadozo subalit nagulat ang mga Pagdanganan ng mismo ang Prosecutor na si Antonio C. Buan ang naghain ng isang mosyon sa korte upang ilipat ng kulungan itong si Piadozo sa “San Ildefonso Municipal Jail” dahil sa mga banta sa kanyang buhay.
“Dapat sa provincial jail siya kinulong subalit nakapagtataka na mismong prosecutor ng Bulacan na si Prosecutor Antonio Buan ang gumawa ng motion upang ilipat siya sa San Ildefonso Municipal Jail dahil sa serious threat to his life daw.” sabi ni Obet.
Naglabas ng order si Judge Gabo sa isang summary proceedings noong December 6, 2007 na si Piadozo na inililipat ng kulungan sa San Ildefonso Municipal Jail.
Inatasan nito si P/Chief Inspector Jacqueline Puapo, Hepe ng San Ildefonso, ang pangangalaga kay Piadozo.
“Ni hindi nakita ni Piadozo ang anino ng kulungan ng San Ildefonso. Ni kalingkingan nito hindi nakatapak sa kulungan. Malaya pa rin siya nakagagala at ginawa nilang lahat na katawa-tawa ang batas,” mariing sinabi ni Obet.
Si P/Chief Inspector Puapo ay nailipat ng assignment sa Angat, Bulacan at napag-alaman nila Monching na wala na rin sa San ildefonso Municipal Jail itong si Piadozo.
Inireklamo nila Monching sa korte si P/Chief Inspector Puapo at pinagpaliwanag ito ng korte kung bakit hindi nakakulong sa San Ildefonso si Piadozo gayung pinagbilinan si P/Chief Inspector Puapo na pangalagaan ito.
Kinasuhan ng Contempt itong si P/ Chief Inspector Puapo at pinagmulta ng P10,000 dahil sa pagkalipat kay Piadozo ng walang kaukulang court order.
Inutusan si P/Chief Inspector Puapo na ilabas si Piadozo. Hindi niya nagawa ito kaya’t nasampahan ng Second Contempt of the Court at nasentensiyahan ng isang buwang pagkabilanggo. Nalabasan ng Warrant of Arrest si P/Chief Inspector Puapo.
Samantala, sinampahan naman ni Monching si Judge Basilio R.Gabo, Jr., nang Grave Abuse of Authority and Judicial Discretion, Gross Ignorance of the Law and Gross Violation of Law and Procedure sa tanggapan ni Hon. Jose P. Perez, Officer-in-charge, Office of the Court Administrator nung March 16, 2008.
ITO NA KAYA ang mga dahilan kung bakit pinatay si Monching Pagdanganan? Dahil ba sa dami ng kasong isinampa niya sa mga taong nabanggit pinatay ito? May katotohanan bang isang Grand Conspiracy ang pagpatay kay Monching? (Kinalap ni Jona Fong)
ALAMIN at sundan ang karugtong ng kwento ni Monching Pagdanganan sa BIYERNES, EKSKLUSIBO dito lamang sa “CALVENTO FILES sa PSNGAYON.”
MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o magtext sa 09213263166 o 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Building, Shaw Blvd, Pasig City.
Email address: tocal13@yahoo.com