Tunay na pusong Pilipino
NAPAGKUWENTUHAN namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang napakagandang istorya na nalathala sa South China Morning Post noong Mayo 28, 2008. Ang pahayagang ito ang largest general circulation English-language daily newspaper sa Hong Kong.
Ang istorya ay tungkol sa kaawa-awang sitwasyon ng isang dalawang-taonggulang na batang lalaki mula sa Cotabato at ang pagtulong sa kanya ng mga taong may “tunay na pusong Pilipino.”
Ang batang si Norham ay may “rare defect” o kakaibang sakit na tinatawag na “meningoencephalocele” na nagresulta sa paglabas ng ilang bahagi ng kanyang utak mula sa isang di-naghihilom na butas sa kanyang ulo. Dahil sa kanyang sitwasyon, si Norham ay inabandona ng kanyang ina halos 11 araw pa lang matapos siyang isilang.
Nagmagandang-loob naman si Noriada Usman Tologanon at kinupkop niya si Norham, bagama’t wala rin naman siyang pera para sagutin ang napakalaking gastos sa pagpapaopera at pagpapagamot sa bata. Kailangang maoperahan agad si Norham upang maiwasan ang paglala pa ng kanyang sitwasyon, at ang paghantong nito sa kanyang di-normal na paglaki at posibleng maagang kamatayan.
Ang sitwasyon ni Norham ay umabot sa kaalaman ng Pilipino-American na si Astrid Tuminez na nakabase sa Hong Kong. Nagbigay ng donasyon si Astrid para kay Norham, at hinikayat pa niya ang kanyang mga kabigan sa Hong Kong gayundin sa “Operations Smile” na nakabase sa United States upang magbahagi rin ng tulong. Lahat sila ay bukas-loob na nagbigay ng pera, at ang naturang mga donasyon ay umabot sa HK$220,000. Ito ang ginamit sa operasyon kay Norham.
Ang istorya nina Norham, Noriada at Astrid ay hinangaan sa Hong Kong at nakabagbag ng damdamin ng mga residente roon.
Sina Noriada at Astrid ay nagpamalas ng tunay na pusong Pilipino, na mapagmahal sa kapwa, mapagkawang-gawa at matulungin.
Nawa, ang kanilang istorya, na nakaantig sa kalooban ng mga mamamayan sa ibayong-dagat, ay magsilbi ring panggising at inspirasyon sa ating mga kababayan. Ito sana ay muling magpaningas at bumuhay sa napakaraming magagandang katangian ng lahing Pilipino.
- Latest
- Trending