EDITORYAL – Kailan magkakaroon ng Presidenteng dukha?
WALA pang nagiging Presidente ang Pilipinas na masasabing dukha? Si President Ramon Magsaysay na sinasabing “man of the masses” ay hindi naman maituturing na dukha. Masyado siyang mahal ng taumbayan dahil nalalaman niya ang pangangailangan ng mga ito. Nauunawaan niya ang mga dukhang kababayan. Iyan ang dahilan kaya siya mahal ng masa.
Ang sarap marahil kung ang Presidente ng ban sang ito ay isang dukha at walang maipagyaya- bang na sobra-sobrang yaman. Ang sarap marahil kung ang Presidente ng bansang ito ay alam kung paano nabubuhay ang mga dukha. Ang sarap kung ang Presidente ay nakadarama rin ng panghahapdi ng sikmura.
Marami nang naisagawang survey ang Social Weather Stations (SWS) ukol sa mga dukha at pawang ang resulta ng survey ay ang patuloy pang paghihirap. Hindi nagbabago ang kalagayan ng kanilang buhay at lalo pang nalulubog sa kumunoy ng kahirapan. Ayon sa SWS, 40% ang mga nagugutom na Pilipino. Mayroong nagsabi na lagi silang nakakaranas ng gutom. May nagsabing dalawang beses na lamang silang kumakain sa maghapon. Matindi ang nararanasang kadahupan ng buhay ng mga kawawang Pinoy sa kasalukuyan. Lalo pa ngang lumubha ang dinadanas na kahirapan nang magmahal nang todo ang presyo ng petroleum products. Tumaas ang pamasahe at ang kabuntot ay ang pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas. Ang bigas na dating P18 isang kilo na ipinagbebenta ng National Food Authority (NFA) ay mahigit P20 na ngayon. Sa kabila niyan, marami pa rin ang pumipila. Wala naman silang pagpipilian.
Matindi ang dinaranas na kahirapan nang maraming Pinoy at habang marami ang nakararanas ng gutom, lumabas naman ang report na nadagdagan pa ang yaman ni President Arroyo at kanyang mga anak. Lumago ng P11 milyon ang yaman ni Mrs. Arroyo. Ang kanyang dalawang anak na kongresista ay lumago rin ang yaman. Si Mikey ay P155 milyon samantalang si Dato ay P86 milyon.
Kailan kaya magkakaroon ng Presidenteng dukha ang Pilipinas para nadarama kung gaano kahirap ang maging mahirap?
- Latest
- Trending