(Huling bahagi)
MUKHANG malaki ang hinala ng kapamilya ng mga biktima na may kinalaman si SPO4 Peria sa pagmasaker. Sa ngayon kahit na napatay na si Abe Fiesta ay patuloy pa rin ang pangangamba ng mga taga-Bgy. Hornalan na maaaring balikan muli sila ng mga alagad ni Satanas. Labis din ang kanilang pag-alala sa kanilang buhay na baka umano makalaya si Peria at sila naman ang ipapatay.
Aba, Laguna Governor Ningning Lazaro, kumilos ka sa iyong pagkakatulog, gumawa ka ng hakbang na mapigilan ang mga karumal-dumal na patayan sa teritoryo mo. Hambalusin mo ang iyong mga kapulisan na nagpapabaya sa kanilang tungkulin. Get mo Gobernadora?
At dahil maituturing na solve na ang pagmasaker sa Hornalan tama lamang na iproklama ng Philippine National Police (PNP) na close the book na ang asunto. Ngunit dapat lamang na idilat ni Calabarzon director Senior Supt. Ricardo Padilla ang kanyang mga mata upang mabura sa isipan ng mamamayan na ang Laguna ang massacre city of the Philippines.
Maganda naman ang naging resulta sa pagsusumi-kap ng mga bulldogs ni Padilla dahil apat sa mga pinag-hihinalaang kasangkot umano sa RCBC robbery massacre ay tumimbuwang na rin matapos na magsagupa sa Tanauan, Batangas.
Naging madugo ang bakbakan ng una umanong makasagupa ng mga tauhan ni Senior Supt. David Quimio ang isang nagngangalang Pepito Magsino dakong alas- 4:30 ng hapon ng Miyerkules sa may Barangay 4 ng naturang bayan. At maging ang team leader Task Force RCBC na si SPO1 Reynaldo Salazar ay nasa malubhang kalagayan matapos pagbabarilin umano ito ng suspek.
Kinabukasan ay pinagpatuloy ng grupo ni Quimio ang paghahanap sa mga kasamahan ni Magsino sa naturang lugar at agad nilang naka-sagupa sina Angelio Malabanan, Rolly Lachica at dating Barangay Captain Vivencio Javier na pawang myembro ng kilabot na Lucido-Javier-Galicia robbery-kidnapping group.
Syempre ubos ang lahi ng tatlo dahil pawang mga bihasa sa baril ang mga tropa ni Quimio. He-he-he! At matapos ang insidente ay nagpahayag si Quimio sa mga mamamahayag na kanila pang iniimbestigahan kung ang grupo nga ay sangkot sa RCBC massacre.
“Ay ano ba yan?”
Paano na lang kung hindi sila ang may kagagawan sa naturang krimen. Eh di sorry na lang sila. Aba Mamang Pulis Gen. Avelino Razon Sir, Pakiimbestigahan nga itong pagpatay ng mga kapulisan ng Batangas, dahil ayon sa mga bumulong sa akin na mukhang gumawa lamang ng gimik ang mga kapulisan ninyo para may maipakita lamang sa nagtrabaho sila.
Ngunit kung lumabas nga na ang mga napatay ng mga kapulisan mo ay sila nga ang responsable sa RCBC dapat parangalan sila sa kanilang trabaho.
At habang abala ang bulldog ni Padilla sa paghahanap sa mga barbaro at demonyo ay matagumpay namang naisakatuparan ng mga tauhan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno na mahuli ang pa-jueteng umano ni Atong Ang sa Cavite. Ayon sa balitang nakarating sakin, Sinalakay umano ni Senior Inspector Jake Halok ang pa-jueteng ni Atong Ang sa may Bgy. Iba, Silang, Cavite na kung saan naaresto ang may 24 kabo at kubrador. Nasamsam ang may P157,170.00 kubransa ng naturang jueteng. Congratulations Secretary Puno sa pagsusumikap mo na mapatigil na itong pa-jueteng diyan sa Cavite, he-he-he!