EDITORYAL – Parusang kamatayan ang dapat sa mga kriminal

KUNG mayroong parusang kamatayan, tiyak na maisasalang ang gunman na rumatrat sa walong katao sa Bgy. Hornalan, Calamba City kamakalawa. Kaso nga’y wala nang parusang kamatayan kaya maaaring habambuhay ang ihatol sa suspect na si Bernabe de Fiesta, 38, isang caretaker sa taniman ng gulay sa nabanggit na lugar. Karamihan sa mga napatay ni De Fiesta ay mga bata. Kasalukuyang natutulog ang mga biktima nang ratratin ng suspek ang bahay ng mga ito. Umano’y paghihiganti ang dahilan kaya nagawa ng suspek ang karumal-dumal na krimen. Matinding pagkainsulto umano ang sinapit ng suspek mula sa mga taong binaril niya. (Editor’s note: Kahapon ay napatay ng mga pulis ang suspek na si De Fiesta nang lumaban sa mga pulis.)

Hindi pa natatagalan, isang bank massacre naman ang nangyari sa Cabuyao, ilang kilometro ang layo sa Calamba City. Siyam ang napatay sa bank massacre. Pawang sa ulo ang tama ng mga biktima. Hanggang ngayon ay wala pang nadadakip ang mga pulis sa itinuturing na pinaka-karumal-dumal na bank massacre sa bansa.

Parusang kamatayan ang nararapat igawad sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen. Hindi na maituturing na tao ang gumawa ng pagpatay sa mga empleado at depositor ng RCBC sa Cabuyao. Hindi nararapat buhayin ang mga killer. Kung ano ang inutang ay ganoon din dapat ang maging kabayaran. Hindi maaring makalibre sa batas ang mga taong may sa demonyo ang utak.

Maski si Sen. Juan Miguel Zubiri ay malakas ang paniwala na kapag ibinalik ang parusang kamatayan ay mababawasan ang mga karumal-dumal na krimen. Kaya isang batas ang pinanukala ni Zubiri para buhayin ang parusang kamatayan o ang Republic Act 9346.

Ang parusang kamatayan ay inalis, ibinalik, at inalis uli. Ngayon ay dapat na ngang ibalik dahil sa mga karumal-dumal na krimen na kahit mga inosenteng bata ay hindi pinatatawad. Dapat nang pag-aralan ng mga mambabatas kung paano ma­ibabalik sa lalong madaling panahon ang paru-   sang kamatayan para mabawasan na ang mga demonyo.

Tiyak na marami na namang sasalungat sa pag­ babalik ng parusang kamatayan. Natural lamang ito. Pero hindi dapat manghina. Mas marami ang masisindak na kriminal kung ibabalik ang bitay.

Show comments