Pangangasiwa sa Metro filmfest ibalik sa taga-industriya ng pelikula
SINEGUNDAHAN ng aktor na si Leo Martinez ang panukala ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na ilipat ang pangangasiwa ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa mismong mga taga-industriya ng pelikula. Ang kasalukuyang nangangasiwa sa MMFF ay ang Metro Manila Development Authority (MMDA).
Pinuna ni Martinez na sa ilalim ng MMDA, hindi nabibigyan ng atensyon ang mga pangangailangan ng filmfest, at ang lahat ng kinikita ng festival ay napupunta sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa halip ipangsuporta sa industriya ng pelikula.
Inihain ni Jinggoy ang Senate Bill 2041 na magtatatag ng MMFF Executive Committee na mamamahala sa pagdaraos ng taunang filmfest. Si Jinggoy ay MMFF best actor awardee noong nakaraang taon.
Ang MMFF Executive Committee ay pamumunuan ng Executive Director ng MowelFund bilang Chairperson, at miyembro naman ang mga kinatawan ng Philippine Motion Picture Producers Association, Movie Producers and Distributors Association of the Philippines, Kapisanan ng mga Direktor ng Pelikulang Pilipino, Kapisanan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon, Screenwriters Guild of the Philippines, Film Editors Guild for Motion Pictures, Filipino Society of Cinematographers, Sound Technicians Association for Motion Pictures, United Film Musical Directors of the Philippines, Production Designers Guild of the Philippines at Assistant Directors and Production Managers Guild of the Philippines.
Base sa panukala, ang MowelFund at Film Academy of the Philippines ay tatanggap ng 40 porsiyento ng kikitain ng MMFF, habang 20 porsyento naman ang ibibigay sa Motion Picture Anti-Piracy Council.
Si Jinggoy, na chairman din ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment ay nagsusulong ng iba’t ibang panukalang sasagip sa naghihingalong industriya ng pelikulang Pilipino, at susuporta sa mga producer, artista, at iba pang manggagawa sa pelikula.
Ang SB 2041 ay konkretong hakbang para maibalik ang “Golden Age of Cinema” sa bansa.
- Latest
- Trending