EDITORYAL – Pati tuition fee magtataas din

GRABE na ito! Lahat ay nagtataasan. Katataas lamang uli ng presyo ng gasolina at diesel noong isang araw, at kamakalawa ay humirit na naman ng P1 taas. Kahapon ay nagwelga ang sama­han ng pampasaherong dyipni sapagkat gusto nilang magtaas ng pamasahe. Patuloy ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas na ayon sa huling report ay aabot sa P50 isang kilo. Mataas na ang presyo ng karne, isda at gulay. Pati asukal, gatas, mantika at iba pang bilihin ay tumataas din. Ano pa ba ang itataas?

Ang pinakabagong report, tuition fee naman ang nakatakdang magtaas. At sigurado na raw ito sa­pagkat nagpa-file na ng kanilang petisyon ang mga pribadong eskuwelahan para magtaas. At iisa lamang ang ibig sabihin nito, marami na namang ma­­gulang ang matutuliro kung saan kukuha ng ipangtu-tuition. Marami na naman ang tiyak na “hahawak sa patalim” mapag-aral lamang ang mga anak.

Ayon sa report, maraming pribadong eskuwela­han, ang humihiling na magtaas nang mahigit 25 porsiyento ng tuition fee. Sa National Capital Region ng Department of Education, naireport na hindi lamang mga pribadong kolehiyo ang nag-aplay na ng petisyon para magtaas kundi pati na rin ang mga private elementary at high school. At mai-imagine kung gaano kalaki ang maidadagdag sa tution fee kapag naaprubahan ang aplikasyon ng mga pribadong eskuwelahan. Malaking prob­lema na naman para sa mga magulang ang increase sa tuition. Dagdag pasanin na naman ga­yung hindi pa nga naiibsan ang nakapataw na mga pabigat dulot nang walang tigil na pagtaas ng petro­leum products at ang pagmahal ng bigas.

Tiyak nang aaprubahan ang tuition fee increase sapagkat ikakatwiran ng mga may-ari ng private schools na apektado sila ng oil price hike. Lumaki rin ang kanilang gastusin kaya naman dapat din silang magtaas ng matrikula. Babawiin nila ang nagastos sa pagtataas ng tuition fee.

Ang tanong ngayon ay magkaroon naman kaya ng quality ang edukasyon na ipagkakaloob kapalit nang mataas na tuition? Masusuklian kaya nang sapat na karunungan ang ibabayad ng magulang? Ang problemang ito sa pagtataas ng matrikula ay dapat na pag-aralang mabuti ng DepED at CHEd.

Show comments