BIGYAN-PANSIN natin mga suki ang krusada ni Philpost information officer Tirso Paglicawan Jr., presidente ng Kapisanan ng mga Kawani ng Koreo sa Pilipinas (KKKP).
Hinihiling ni Paglicawan kay bagong upo na Civil Service Commission chairman Ricardo Saludo na agarang aksiyunan ang halos siyam na buwan nilang petition na ipawalang bisa ang illegal election ng KKKP noong Marso 31 at higit sa lahat ang pagbukas at pag-audit ng book of accounts ng grupo. Sa biglang tingin, napaka-simple ang isyu na hinihiling ni Paglicawan subalit inupuan lang ito ni Ma. Leticia Reyna, CSC personnel relations officer.
Ang krusada ni Paglicawan ay suportado ng rank-and-file ng Philpost. Pero ang sentro talaga ng reklamo ni Paglicawan ay si Edmundo Estavillo na halos 30 taon na nanungkulan bilang hepe ng Philpost Police Force at ganun din kahaba na presi dente ng unyon ng Philpost. Di ba may conflict of interest dyan? At higit sa lahat, itong si Estavillo at ang isang Marina Lejos, dating national treasurer ng KKKP ay nagretiro na noong 2004 pa subalit hanggang ngayon ay nakapangalan pa sa kanila ang bank account ng unyon sa Philippine Savings Bank sa Palanca branch sa Quiapo.
Ang nakakadismaya pa, sa 30 taon na naging president si Estavillo ng unyon ng Phipost ni isang official receipt ay wala siyang maipakita, lalo na ang financial report na dapat isumite sa Department of Labor and Employment (DOLE) bilang reportorial requirements sa mga employees union. Sa ngayon, ang national treasurer ng unyon ay si Mary Ann Lejos-Medenilla, na anak ni Lejos. Subalit ang humahawak at may kontrol sa pondo ng unyon at pumipirma at nag-iisyu ng tseke ng grupo ay sina Estavillo at Lejos pa rin. Ano ba ‘yan? Garapalan na ‘yan ah! He-he-he! Lumalabas tuloy na ang mga propriedad ng unyon ay personal possession and private property na nina Estavillo at Lejos, di ba mga suki?
Sa pagkaalam ko kasi, ang mga unyon ay kumakaltas ng pondo sa suweldo ng kanilang mga miyembro para suportahan ang mga gastusin ng mga ito. Ika nga mula sa pawis, dugo, luha at buhay ang kontribusyon ng mga empleado sa unyon dahil nakasalalay doon ang kinabukasan nila, pati na ang kani-kanilang pamilya.
Pero maliwanag dito sa reklamo ni Paglicawan na ang mga miyembro ng Philpost employees union ay biktima rin ng kanilang mga negosyante at mapagsamantalang lider.
Dapat wakasan na ni Chairman Saludo ang panggagatas na ito sa mga miyembro ng Philipost union, di ba mga suki? He-he-he! Imbes na idepensa ang kapakanan ng kanilang miyembro ang inuna nitong sina Estavillo at Lejos ay patabain ang bulsa nila, di ba mga suki?
Nais ni Paglicawan na i-reporma ang sistema ng unyon sa Philpost at pagbabago sa pagtaguyod ng KKKP at sa Postal Services Mutual Benefit Association Inc. (PSMBAI). At nagpalabas na ng manifesto of support ang mga empleado ng Philpost sa krusada ni Paglicawan.
Ipagkakait pa ba ni CSC chair Saludo ang magandang sinimulan ni Paglicawan? Abangan!