Sino ang pumatay kay Datu Diarog?
WALANG awang pinagbabaril noong isang linggo ng mga di-kilalang armadong lalaki ang bahay ni Datu Dominador Diarog sa Sitio Kahusayan, Bgy. Manuel Guianga, Tugbok District dito sa
Si Datu Diarog ay tribal leader ng K’lata-Bagobo tribe sa nasabing lugar. Sumisigaw ng hustisya hindi lamang ang kanyang pamilya, ngunit, pati na rin ang mga ibang Lumad.
Maliban sa hustisya na hinahangad ng mga Lumad para sa kamatayan ni Datu Diarog, nababalot na rin sa takot ang Barangay Manuel Guianga at ang mga karatig barangay nito dahil ang ibang mga Lumad mismo ay nag-iisip na baka mangyari rin sa kanila ang sinapit ng tribal leader.
Ayon kay Davao City police chief Senior Supt. Jaime Morente, isang masusing imbestigasyon ang ginagawa ngayon ng mga otoridad upang malaman kung sino talaga ang may kagagawan ng krimen.
Sinabi ni Morente na maraming anggulo ang binubusisi dahil ang initial findings ay pawang mga circumstantial evidence lang na nagdadawit ng mga suspetsado umano sa kaso. Kinakailangan pa ang dagdag na testimonya ng mga witnesses upang mai-corroborate ang mga resulta ng imbestigasyon.
Inamin ni Morente na hanggang ngayon ay wala pa silang konkretong kaso at kung sinuman talaga ang may kagagawan ng krimen.
Naunang inakusahan ng Philippine Army ang mga rebeldeng New People’s Army ang may kagagawan ng pamamaril sa pamamahay ng mga Diarog. Ito raw ay dahil si Diarog ay diumano isang informant daw ng mga militar.
Ngunit bumulweta naman ang mga komunistang rebelde at tinuro ang mga sundalo ng Philippine Army ang may kagagawan ng pamamaril sa mga Diarog. Tinutukoy nga ng NPA ang mga tauhan ng Task Force Davao na ‘di umano ay nadestino malapit sa Bgy. Tamayong na kung nasaan ang prayer mountain ni Pastor Apollo Quiboloy.
Maging si Pastor Quiboloy ay dinawit din ng mga NPA rebels sa nasabing insidente. May mga nagsasabi na ang mga bumaril ay tumakbo diumano patungo sa kinaroroonan ng compound ni Pastor Quiboloy.
Ito ay mariing pinabulaanan ni Pastor Quiboloy, na isang matalik na kaibigan ni Mayor Rodrigo Duterte, at sinabi niya na wala siyang kinalaman sa nangyari kay Datu Diarog.
Ayon kay Pastor Quiboloy sa isang press statement, “We do not wish to dignify the initial reports linking our congregation to the unfortunate incident that happened in a nearby barangay adjacent to the covenant mountain and prayer center in Tamayong.”
“We totally deny these as totally baseless, if not ridiculous. We belie all other falsehoods dragging the name of the “Kingdom” as we suspect these are all designed to confuse if not distort the true picture about the incident or mislead the authorities as to the real perpetrators involved,” nakasaad sa nasaming press statement ni Pastor Quiboloy.
Sa panig naman ng Task Force Davao, tahasang sinabi nito na hindi tauhan nila ang gumawa ng karumal-dumal na krimen dahil ang M-16 Armalite rifle ang issue sa kanila at hindi M-14 na ginamit sa pamamaril sa mga Diarog.
Ang sinasabing pagbebenta ni Datu Diarog ng lupain ng mga Lumad ay isa ring anggulo na tinitingnan ng mga otoridad.
Si Pastor Quiboloy ay dinawit ng mga rebeldeng NPA dahil raw sa pamimili nito ng lupain ng mga Lumad sa hangad na palawakin pa ang kanyang nasabing prayer mountain sa Bgy. Tamayong. Ngunit sinabi ni Pastor Quiboloy sa panayam sa mga TV reporters dito na ni minsan ay hindi pa niya nakita ng personal si Datu Diarog at lalong wala siyang anumang negosasyon sa kanya.
Magulo at talagang maraming anggulo ang tinitingnan sa kaso ng pagpaslang kay Datu Diarog.
Hanggang ngayon, hinintay pa rin ng mga mamayan ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya.
Ano ba talaga ang totoo?
- Latest
- Trending