(Huling bahagi)
HINDI na hinintay pa ng BITAG at Mission X ang makupad na pagkilos ng National Meat Inspection Service para sumama sa amin upang sana’y i-raid at inspeksiyunin ang mga karne sa Sulu St., Blumentritt, Manila.
Kami na mismo ang gumawa ng hakbang upang bulabugin at ilantad sa publiko ang patago’t ilegal na industriya ng kalakalan ng mga sira at nabubulok ng karne.
Sa kasalukuyang food crisis at ang pagtataasan ng presyo ng pagkain na pinangangambahan pa rin ng bansa at ng buong mundo, marami pang tulad ni Boy Silverio at Aling Nena Cheng na patuloy na nagsasamantala.
Gagamitin at sasakyan ang kasalukuyang krisis ng mga mapang-abusong negosyante na ang hangad lamang ay kumita ng limpak-limpak.
Katulad ng underground industry ni Boy Silverio at Aling Nena na kinakalakal ang mga sira at nabubulok ng karne na imbes pampakain na lamang sa mga hayop ay ibinebenta pa para pangkain ng tao.
Sa mga ganitong sitwasyon, inaasahan naming mabubuksan ang isipan ng bawat mamamayan.
Maging wais partikular sa inyong mga binibili sa mga palengke nang makaiwas sa BITAG ng mga mapagsamantala ngayong panahon ng krisis.
Para naman sa NMIS at iba pang kinauukulang may kinalaman dito tulad ng Department of Agriculture at Bureau of Animal Industry, ginawa na namin ang aming misyon, gawin n’yo rin ang inyong trabaho.
Ngayong nailantad na ng BITAG at Mission X ang patagong industriya diyan sa Sulu St., Blumentritt, Manila, kumilos na kayo…pronto!