NANG may isinulat ako’ng batikos sa administrasyon noong Lunes hinggil sa walang habas na pagtaas sa presyo ng bilihin, lalu na ng petrolyo, may nag-react na isang mambabasa. Sabi niya mag-research naman daw ako at alamin ang tunay na dahilan ng pagtaas sa halaga ng krudong langis imbes na batikusin ang gobyerno. Okay ang ganyang mga feedbacks at pinasasalamatan ko. Hindi na kailangan ang research dahil alam na naman ng lahat na wala tayong kontrol sa nagaganap sa mundo. Pero maikli lang kasi ang espasyo natin kaya hindi na tayo makapag-detalye. Buod na lang.
Tanggap naman talaga ng mamamayan na walang magagawa ang alinmang gobyerno sa pagtaas sa halaga ng krudo dahil iyan ang idinidikta ng market force. Ang krisis ngayon ay pandaigdig. Pero may magagawa ang pamahalaan, kung gugustuhin, para at least, palambutin ang epekto ng krisis. Kaya nga tayo may gobyerno eh.
Heto lang ang masasabi ko. Tinatayang bilyun-bilyong halaga ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa corruption. Kung walang corruption, mayroon sanang mailalaan na pondo bilang subsidiya sa sandaling may kinakaharap tayong krisis tulad ngayon. Ngayong may krisis sa petrolyo, ayaw namang suspindihin man lang ng gobyerno ang buwis sa langis. Kasi nakalaan na iyan bilang pambayad utang sa labas ng bansa. Utang na hindi naman kailangan pero pinasok ng mga tiwaling opisyal para sa pansariling interes. The real score is, we are neck-deep in debt at kailangan ang pantakip para hindi malunod ang gobyerno. Ang problema, taumbayan ang unti-unting pinapatay. Sabi ko nga last time, para tayong mga palakang prenteng-prente na pinapakuluan at hindi nararamdamang malapit na tayong maluto sa kaserola.
Iyan ang epekto ng “sin of corruption” na mamamayan ang umaani ng parusa. At heto pa. Pumapasok ang administrasyon sa mga spurious agreements sa ibang bansa na ang apektado ay ang maliliit na mamamayan.
Kahapon ay natalakay natin ang kuwestyonableng deal ng Pilipinas at China para sa pagtatanim sa may 1.4 bilyong ektarya sa Pilipinas ng palay at mais na iluluwas lahat sa Tsina. Bawal sa Konstusyon na magbenta ng lupain sa mga dayuhan. Puwedeng magpaupa pero hindi dapat humigit sa 1,000 ektarya.
Kawawa naman tayong mga Pilipino. Palaging agrabyado ng mga nasa matatayog na puwesto na hindi na yata iniintindi ang kapakanan ng mga maliliit.