NAG-E-MAIL si Francisco mula Thailand. Nabasa niya ang kolum ko nu’ng nakaraang linggo tungkol sa kakulangan ng x-rays sa Philippine General Hospital. Ikinumpara niya ang sitwasyon ng pangunahing tertiary hospital ng gobyernong Pilipinas sa naranasan niya sa Thunburi Public Hospital sa Bangkok.
Nagtatrabaho si Francisco sa Qatar at Thai ang misis. Nagkasakit siya sa trabaho at binigyang lunas ng isang linggo. Pero umuwi siya sa Bangkok kung saan mas tiwala siya sa mga doktor. Hindi siya nabigo.
Inasikaso agad ng doktor si Francisco. Sa loob lang ng isang oras, sa tulong ng nurses, na-check up siya nang husto kasama ang ultrasound at binigyan ng dalawang klaseng gamot. Maraming matatanda at ilang batang pasyente; lahat sila inasikaso agad ng mga nakangiting staff. Bago lumubog ang araw, nakaalis na silang mag-asawa para maghapunan. Malinis ang ospital, ani Francisco at moderno ang kagamitan.
Naalala ko tuloy nang mag-masters ang kamag-anak ko sa London. Nagkatigdas siya at itinakbo sa ospital. Inasikaso agad siya na animo’y British citizen. Pinauwi siya kinabukasan, pero binibisita sa bahay ng isang nurse tuwing makalawa nang sumunod na dalawang linggo. Libre lahat.
Dedicated at masipag ang doctors at nurses sa PGH. Kaso, hindi ito sinusuklian ng gobyerno ng tamang sahod at kumpletong kagamitan. Tulad ng sinulat ko, nasira ang x-ray machines dahil sa init (nang bumigay ang air-con dalawang buwan na ang nakalilipas). Iisa na lang ang natira sa Central Block, kaya nangailangang i-share ito ng emergency at inpatients.
Mahigit 640,000 pasyente ang dumudulog sa PGH kada taon. Isang milyong piso kada buwan ang kailangan para sa medical social services. Dalawampu hanggang isandaang taon na ang mga gusali at pasilidad. Kailangan nang palitan, kumpunihin at i-refurbish. Pero parating kulang sa pondo ang PGH. Umaasa sa donasyon ng pribadong sektor. Inaatupag ng pamahalaan ang pagnanakaw imbes na kalusugan ng madla. Kaya tuloy napag-iwanan na tayo ng Thailand na dati’y backward kaysa Pinas.