Ituloy ang imbestigasyon sa NBN-ZTE deal
KAMI ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ay parehong nanini wala na dapat ituloy ang imbestigasyon sa iskandalo ng $329 milyon NBN-ZTE deal.
Hindi porke’t ayaw sumipot ng inimbitahang resource persons ng Senado ay ititigil na ang imbestigasyon; sa halip ay lalo pa ngang dapat itong ipursige ng kapulungan upang mabunyag kung ano ang itinatago ng naturang mga personalidad na ayaw magbigay ng kanilang testimonya tungkol sa usaping ito.
Alalahanin na hinihintay pa ang desisyon ng Korte Suprema sa apela ng Senado sa naunang pagkatig ng mga mahistrado sa paggamit ni CHED Chairman Romulo Neri ng executive privilege upang huwag nitong ibunyag ang usapan nila ni Ginang Arroyo tungkol sa kontrata.
Bukod dito, ang kinatigan ng mga mahistrado ay ‘yun lang tungkol kay Neri at hindi ito sumasaklaw sa lahat ng mga personalidad na mayroon ding nalalaman sa kontrobersiya. Isa nga rito ay ang negosyanteng si Ruben Reyes na sinasabing malapit sa pamilya Arroyo at isa sa tinaguriang “Greedy Group plus-plus” na tumanggap umano ng $11 milyon na “advanced na suhol” mula sa ZTE Corporation.
Sabi nga ni Jinggoy, kung patuloy na magmamatigas si Reyes sa pagbalewala sa mga imbitasyon ng Senado ay dapat ipaaresto ang naturang negosyante. Ganito rin dapat ang gawin sa lahat ng iba pang nagmamaliit at nambabastos sa Senado.
Magiging kulang ang pagganap ng Senado sa tungkulin nito kung hindi nito pipiliting maibunyag sa taumbayan ang kabuuang detalye ng sinasabing multi-milyong suhulan sa NBN-ZTE deal kung saan ay malalaking opisyal ng pamahalaan na dikit sa Malacañang, kasama ang kanilang mga kasabwat, ang nagbulsa umano ng mga suhol.
Base nga sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) ay naniniwala ang mayorya ng mga Pilipino na totoo ang nabulgar na suhulan. Obligasyon ng Senado na tiyaking makukumpleto ang detalye ng naturang usapin.
Ang mga anomalyang ganito ang ugat ng kahirapan at mga krisis sa ating bansa. Kailangang kumpletong mabunyag ang mga ito upang ganap na masugpo.
- Latest
- Trending