MATAGAL nang ginagawa ang pagbebenta ng kidney ng mga naghihirap na Pilipino pero ngayon lamang gumagawa ng hakbang ang Department of Health para mapigilan ang mga taong “kapit sa patalim”. Kung kailan marami nang nagpatanggal ng kidney saka lamang magpapakitang gilas ang DOH. Kung kailan, marami nang nasugatan sa tagiliran saka gagawa ng aksiyon para mapigilan ang pagbebenta ng mahalagang “laman”.
Isang strategy ng DOH para mapigilan ang pagbebente ng kidney ay ang pagbabawal sa mga ospital na magsagawa ng transplants sa mga dayuhang pasyente. Sinabi ng DOH na ang desisyon na huwag magsagawa ng kidney transplants sa mga dayuhan ay desisyon ng Philippine Board for Organ Donation and Transplantation. Ang pagbabawal sa transplants ay malaki ang magagawa para tuluyan daw na mawakasan ang pagbebenta ng kidney sa mga dayuhan. Ang ban ay may basbas din naman ng World Health Organization (WHO). Kamakailan, 10 ospital sa buong bansa ang binawalan ng DOH na magsagawa ng kidney transplants sapagkat sumobra na sila sa quota. Ayon sa DOH dapat ay 10 percent lang ang dapat i-transplants na dayuhan ng isang ospital pero marami ang lumabag sa kautusan.
Pinaka-maraming ginawang kidney transplants sa Pilipinas noong 2006 at pawang mga dayuhan ang pasyente. Umabot sa 436 na mga dayuhan ang nai-kidney transplants sa 24 na ospital sa buong bansa.
Maraming mahihirap sa Pilipinas at ito ay hindi na maitatago. Sa kadahupan ng buhay, pati ang lamanloob ay ibebenta para makakain ng tatlong beses isang araw. Ngayong nakasakmal ang krisis sa bigas at iba pang pagkain, lalo nang marami ang “kumakapit sa patalim”. Maraming walang trabaho sapagkat bigo ang gobyerno sa sinasabing dadagsa ang trabaho at magkakaroon ng pagkain sa hapag ang bawat Pilipino. Nasaan ang pangakong ito? Ang katotohanan ay nakadilat na marami ang kailangang magbenta ng mahalagang “laman” para siya mabuhay at ganundin ang kanilang pamilya.
Sana, ang pag-aksiyon ng DOH sa pagbabawal sa kidney transplant ay makapigil sa bentahan ng kidney. Sana ang strategy ay maging matagumpay.
Pero ang dapat pa ring gawin ng gobyerno ay makalikha nang maraming trabaho. Ito ang nararapat.