Lamang dagat nasasaid na

NU’NG bata pa ako, dekada ’60 at kokonti pa ang tao sa Pilipinas, gapalad ang laki ng ordinaryong sapsap, at gabinti ang bangus.  Apat na daliri ang lapad ng tatampal (alupihang dagat), at banye-banyera ang itinitindang alimasag sa palengke.

Matuling dumami ang populasyon, at nalaspag ang pangisdaan sa walang-humpay na pagdidinamita, pagla­lason at panunuro. Samantala, mabagal ang gobyerno sa pagpapalago ng pakain. Ngayon ang sapsap ay malaki lang nang konti sa piso — kung merong nahuhuli — at ang bangus ay inaani na sa palaisdaan nang tatlong piraso sa isang kilo. Kug may makita ka mang tatampal, dalawang daliri lang ang lapad, at ang alimasag ay kasingliit na lang ng talangka. Maliliit pa ang lamang dagat, hinuhuli na ng nagugutom na populasyon.

Ngayon ay napipinto umano ang krisis sa pagkain sa buong mundo. Lumalaki ang populasyon sa mga umu­unlad na bansa, at ang mga palayan at ginagawang baha­yan. Kumokonti rin ang ani ng bigas, trigo, mais at iba pang staple dahil sa bagyo’t tagtuyot na dala ng climate change. Kasabay nito, nilalaspag na rin ng ibang bansa ang laman-dagat: Ang Japan ay patuloy ang pag-hunting ng balyena, at ang China ay sa Pilipinas nagpo-poach ng isdang bawal tulad ng mameng.

Nahahawa ang Pilipinas sa ugali ng China. Nauuso na rin dito ang pagkain ng uri ng pating na banderahan. Napaulat kamakailan na inaagad ang kawan ng pating sa Batangas. Nangangamba ang conservationists na mau­ubos na ang uri na nilistang “vulnerable” dahil malapit na maging “endangered”. Kapag nangyari ‘yon, masisira ang balanse ng buhay-dagat, at maaring mangamatay ang iba pang uri ng isda.

Pinagmamalaki ng gobyerno na lumalaki umano ang ini-invest ng pribadong sektor taun-taon sa aquaculture — kaya huwag daw umanong mangamba sa supply.    Pero sa totoo lang, 70% ng aquaculture ay sa seaweeds. Hindi naman ito nakakain; para ito sa pharmaceuticals, beauty products, at industrial uses.

Show comments