UNTI-UNTI nang naglalaho ang makontrobersiyang national broadband network (NBN) at ang mga bagong sumusulpot ay ang fertilizer at swine scam. Ang dalawang scam ay nagbibigay dungis na naman sa Department of Agriculture (DA). Laging nababanggit ang DA sapagkat pawang nasa ilalim ng pagsasaka ang mga nabanggit.
Ang fertilizer scam na nagkakahalaga ng P728 milyon ay naganap noong bago mag-May 2004 elections. Inaprubahan umano ni President Arroyo ang paglalabas ng pondo. Hinihinalang ginamit sa pangangampanya ang pondo. Nang magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado ukol sa fertilizer scam, biglang naglaho si Agriculture Usec. Jocelyn “Jocjoc” Bolante at natuklasan na nasa United States na pala. Kahit anong gawin ay hindi mapabalik sa bansa si Bolante. Pero sabi ng Malacañang gagawa sila ng paraan para mapabalik si Bolante at nang maisalang sa imbestigasyon na gagawin ng Senado.
Pero malamang na matakpan ang fertilizer scam ng swine scam dahil sa tindi ng mga alegasyon na ginamit din sa hindi maipaliwanag na dahilan ang pondo para rito. Ayon sa report, P747 milyon ang sangkot sa swine program at ito ay para pambili ng mga baboy noong 2005.
Natuklasan ng Commission on Audit (COA) na may malaking deficiencies sa programang babuyan na ang Quedan and Rural Credit Corporation (Quedancor) ang namamahala. Ang pondo para sa mga baboy ay bahagi ng P2.25 bilyong hiniram sa Land Bank of the Philippines.
Ngayon lamang nabubulatlat ang isyu sa swine program. At ang malaking katanungan ay kung magkakaroon ng magandang resulta ang imbestigasyong gagawin dito ng Senado. Harinawang magkaroon nang magandang resulta sapagkat malaking halaga ang sangkot dito na kung gina-mit sa produksiyon ng palay ay baka hindi maramdaman ang sinasabing krisis sa bigas na dinaranas ngayon.
Dalawang malalaking scam ang nakatakdang hubaran ng Senado at sana naman ay hindi katulad ng mga nakaraang imbestigasyon na walang napala ang taumbayan. Napagod lamang sa pagsubaybay sa imbestigasyon pero pawang mga luhaan sa dakong huli. Bulatlatin ang dalawang scam.