LABIS ang kaligayahan ng mga residente ng Barangay 658 nang magdatingan ang mga alipores ni Manila Mayor Alfredo Lim at magsagawa ng inspeksiyon sa mga boarding house ni Chairman Joey Carranto.
Labis kasi ang pag-aalala nila sa mga estudyante na mga boarder ni Carranto sa maaaring maganap na trahedya. Ang mga gusali umano ginawang boarding houses ni Carranto ay nakaranas na ng pagkasunog kung kaya maaaring mahihina na ang mga bakal at pader nito na sa kaunting pag-uga lamang ng lupa ay maaaring gumuho.
Malaking halaga rin umano ang kinikita ni Carranto sa kanyang mga paupahan dahil sa kasalukuyan ay may kabuuhang 80 estudyante ang umuokupa sa dalawang boarding houses.
Tumataginting na P2,000 ang singil umano ni Carranto sa bawat estudyante buwan-buwan kung kaya biglang yumaman ito. At para di maligaw ang mga inspektor ni Mayor Lim sa boarding houses ni Carranto ay kanilang itinuro sa akin ang mga ito.
Sa Sta. Potenciana, Mayor Lim umano ay makikita ang isang mataas na gusaling nasunog na ginawang boarding house ni Carranto at ang isa naman ay sa Solana St., nasa ikalawang palapag ng kanyang bodega ng alak at softdrinks, he-he-he! Di na nakatiis ang aking mga suki kung kaya sila na mismo ang nagtuturo upang mapadali ang inyong pag-inspeksyon.
Ayan Mayor Lim, baka naman malampasan pa ng mga alipores nyo ang boarding houses na tinutukoy nila. Baka naman ang mga pinadala nyong alipores ay malunod sa malamig na softdrink na inihanda ni Carranto kaya’t magbubulag-bulagan na lamang ang mga ito, he-he-he! Balitang-balita na na-monopolya na ni Carranto ang pagtitinda ng softdrink sa kanyang kaharian sa tulong ng isang Mayette ng Intramuros Administration (IA) kung kaya nang mabaril ng kanyang kapatid na si Pakoy ang isang vendor na si Maximo dela Rosa ay pinatakas ito gamit ang service ng barangay. Get n’yo Sir?
Ang masakit pa umano Mayor Lim, ni hindi man lang binigyan ni Carranto ng panggastos sa ospital ang pamilya ni Dela Rosa na sa kasalukuyan ay nakaratay sa Philippine General Hospital (PGH) habang ang kanyang kapatid na si Pakoy ay nagtatago sa kanilang home town province sa Pangasinan, he-he-he! Ang tibay din naman ang sikmura nitong si Carranto. Get n’yo mga suki?
Kung sabagay halos linggu-linggo ay may patayan sa lugar ni Carranto. Noong nakaraang buwan (Marso) ay sunud-sunod ang patayan kaya labis ang pag-aalala ng mga residente roon na magiging war zone ang naturang lugar dahil sa kakulangan ng peace in order na ipinatutupad.
At ito pa Mayor Lim, ang kahabaan ng Solana St., ay ginawang parkingan ng mga delivery truck ni Carranto sa kanyang negosyong alak at softdrinks na nagdudulot ng pagsisikip ng naturang kalye at mapanganib sa mga estudyanteng dumaraan.
Calling Intramuros Administrator Bambi Harper, paki pasadahan mo po itong mga negosyo ni Carranto sa inyong historical place upang mapangalagaan ang mga turistang namamasyal at ang mga estudyante.
Pakirebisa nga kung may building permit si Carranto sa inyong tanggapan, dahil ayon sa aking impormasyon dapat dumaan muna sa inyong tanggapan bago kumpunihin ang lahat ng gusali. Abangan!