^

PSN Opinyon

‘Naputol sa taga...’

- Tony Calvento -

(Kinalap ni Jezza Balmeo)

“NAKITA KONG tatagain ako kaya’t sinangga ko ng aking braso. Sa halip na mabiyak ang ulo ko isinakripisyo ko na lang ang aking braso. Agad naputol ang braso ko sa talim ng itak na hawak niya. Mga linya mula sa salaysay ng isang complainant na nagpunta sa aming tanggapan upang ireklamo ang mga taong nagtangkang pumatay sa kanya.

Naghilom na ang mga sugat sa katawan ni Fernan Andaya alias Nan ng Pasig City ng aking siyang maka­usap subalit sariwa pa sa kanyang isipan ang malagim at brutal na insidente. Ipinakita niya ang mga tama niya sa katawan. Tadtad ng taga ang kanyang buong katawan.

Ang dulo ng kanyang kaliwang kamay ay parang sa­nga ng isang puno na natigpas. May mahaba siyang pek­lat sa tagiliran ng kanyang katawan. May mga saksak siya sa likod. Mga palatandaan ng dinanas ni Nan sa kamay ng mga taong inakala na patay na siya. Nabuhay ang taong ito upang maikwento sa atin ang lupit ng mga nakalaban niya na hindi iba sa kanya dahil pawang mga kamag-anakan ng kanyang asawa.

Si Nan ay 38 taong gulang. Siya ay may apat na anak. Nag­ tatrabaho siya dati bilang Machine operator sa Ever Green Garments sa Pasig City.

Taong 2000 ay nagsara ito. Wala ng iba pang alam na mapapasukan si Nan kaya nagpasya siya umuwi ng probinsya kasama ang pamilya. Sila ay pumunta sa probinsya ng kanyang asawa na si Maricris o Marie. Ito ay sa Paang Salawal  Biga-a, Calatagan, Batangas.

Maayos naman ang pagtanngap nila sa pamilya ni Marie. Madalas silang magkakwentuhan sa tuwing tapos na ang mga gawain.

Hindi nagtagal ay nagtrabaho si Nan bilang taga-ga­pak(gapas) ng tubo sa Calatagan habang si Marie naman ay nagtayo ng maliit na tindahan sa kanilang bahay.

May 6, 2007, bandang alas-syete ng gabi, habang nagpa­pa­hinga ang mag-asawa ng lumapit ang kanilang anak na panganay at kinausap si Marie. Nangu­tang daw ng dalawang alak (bote ng gin) ang tiyuhin nito na si Michael.

“Sinabihan siya ng mama niya na huwag nagpa­pa­utang ng gin kasi maliit lang tinutubo dito” kwento ni Nan.

Ilang saglit lang ang lumipas dumating ang asawa ng pinsan ni Marie na si Allan Castillo. Inaya ito ni Nan na mag-inom sa loob ng kanilang bahay.

Hindi nagtagal ay dumating naman ang misis ni Allan na si Maricel. Galit na galit nitong pinauuwi ang asawa ngunit hindi siya pinansin nito. Umuwi na lamang yung babae. Maya-maya habang patuloy silang umiinom ni Allan ay narinig na lamang niya ang boses ng pinsan na lalaki ni Marie na si Ruel Busilig.

“Sinisigawan niya ang misis ko na nakabantay sa tinda­han. Sabi niya ’P*#@ng !n&  mo ate Marie! Dugo mo pa kaya na ‘di mo mapautang alak pa kaya!,’. Narinig pala kasi ni Maricel ‘yung pag-uusap ng mag-ina ko at nag­sumbong sa kapatid niya. Hindi ko sila pinakialaman kasi away magpinsan ‘yun,” kwento ni Nan.

Hindi nagtagal nagkakataasan na si Marie at Michael ng boses kaya nagpasya si Nan na lumabas para kausapin ito.

“Sinabi ko sa kanya ‘Pare, ano ba ho ang problema?,” hindi ko napansin na may hawak pala siyang kawayan. Nagulat na lamang ako nung bigla niya akong hinampas sa ulo na ikinahilo ko kaya nagdilim ang aking paningin,”  dagdag ni Nan.

Agad na pumasok si Nan sa loob ng bahay at kumuha ng itak. Bigla naman narinig nito ang boses ng kapatid ni Ruel na si Michael Busilig na sumisigaw ng ‘P*T%ng !#a mo! Lumabas ka dyan!”

Paglabas niya ay wala na umano si Ruel. Nakita niya si Michael na papalapit na sa kanya at nakaakmang tatagain siya ng hawak nitong itak.

“Naiharang ko ‘yung hawak kong itak. ‘Yun yung tinamaan, tumalsik ‘yun. Nang mawala na ang aking itak tatagain niya ulit ako sa  ulo ulo naman kaya’t ipangsangga ko ang aking braso. Naputol at nalaglag ang kamay ko. Agad ko ‘yun pinulot saka ako tumakbo kasi tatagain niya ulit ako pero nabitawan ko din ‘yung kamay ko,” kwento ni Nan.

Mabilis na tumakbo si Nan palayo ng kanilang bahay. Nang siya ay lumingon ay nakita niya umano si Michael na kasama na ang kapatid na si Ruel at ama nilang si Rodolfo Busilig.

“May dala silang itak at kutsilyo. Duguan na’ko nun at nahihilo na ko. Pagdating ko sa tapat ng bahay ng tiyahin ng misis kong si Melinda bumagsak na’ko,” kwento ni Nan.

Dun siya inabutan ng mag-aama. Pinagtulungan siya ng mga ito na saksakin at tagain sa likod at tagilirang bahagi ng kanyang katawan.

“Nagpatay-patayan na lang ako hanggang sa marinig ko si Michael na nagsabi ng ‘Tay, tara na patay na ‘yan,’ naramdaman kong umalis na ang magkapatid pero si Rodolfo naiwan. Bumunot siya ng baril tapos itinutok niya sa aking sintido. Tatlong beses niya ‘yun kinalabit pero hindi ‘yun pumutok,” ayon kay Nan.

Biglang bumukas ang pinto ng bahay at lumabas si Melinda. Nakita umano nito si Rodolfo na nakatutok ang baril sa sintido ni Nan.

Dinala si Nan sa Regional Batangas Hospital kung saan siya na-confine ng halos dalawang linggo.

“Sabi ng doctor magagawan pa sana ng paraan ang kamay ko na maidugtong kung nakuha ko lang ‘yun pero nung pinahanap ko ay hindi na nila makita,” kwento ni Nan.

Si Nan ay nagsampa ng kasong Frustrated Murder sa himpilan ng pulisya sa Calatagan Batangas. Ito ay laban sa mag-aamang Michael, Ruel at Rodolfo Busilig.

Hindi sumipot ang mga taong dinemanda niya sa Preliminary Investigation. Hindi naman nagtagal lumabas ang Resolution.

Nagkaroon na ng Warrant of Arrest para sa kasong Frustrated Murder. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang mga ito.

Si Nan ay nanawagan na kung sino man ang nakakaalam sa kinaroroonan ng mga suspects ay ipagbigay alam agad sa aming tanggapan sa “CALVENTO FILES” o sa pinaka malapit na presinto.

Para sa mga biktima ng krimen or may legal problems maaring tumawag sa 6387285 o di kaya’y magtext sa 09213263166 o 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th flr City State Center Bildg., Shaw Blvd., Pasig City.

UGALIING makinig ng programang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” sa DWIZ 882 KHZ sa AM band,  Lunes hanggang Biyernes alas 3-4 ng hapon at tuwing Sabado alas 7-8 ng umaga kasama ko si DOJ Sec. Raul Gonzalez at si Jezza Balmeo.

* * *

Email address: [email protected]

LSQUO

NAN

NIYA

PLACE

RUEL

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with