MAPAGPANGGAP talaga ang Arroyo admin. Sa kabila ng mga ulat ng napipintong rice shortage, nagkaila agad ang Gabinete. Pero pinakawalan naman ng Malacañang ang mga media handlers para maghasik ng parallel na balita. Oo, anila, maaring magka-krisis sa bigas, pero hindi ‘yon dahil sa admin kundi sa pagiging maaksaya ng Pilipino.
Sa madaling salita, palihis na umaamin ang admin sa napipintong shortage — pero ibinibintang nito ang darating na krisis sa mamamayan.
Giit ng Malacañang, isang kutsaritang kanin ang inaaksaya ng bawat isa sa 90 milyong Pilipino kada almusal, tanghalian at hapunan. Nangangahulugan daw ito ng 600 sako ng bigas na nasasayang araw-araw sa buong bansa — na ipinakakain lang sa mga alagang-bahay o -bakuran tulad ng aso, pusa, manok o baboy. Ito raw ay magbubunsod ng krisis. Kaya matuto raw dapat tayo magtipid; pati mga restoran, bawasan na raw ang takal ng kanin.
Ewan ko kung pag-aaksaya ang inaasal ng Pilipino kaya ipinakakain ang tirang kanin sa mga alagang hayop. Mahal masyado ang pet foods. Ewan ko rin kung totoong isang kutsaritang kanin ang inaaksaya natin kada kain. E, 20% ng populasyon — 18 milyong Pilipino — ay halos wala na ngang makain.
Kung kinakapos ang rice supply, ito’y dahil kulang ang naa-ani. At kung kulang ang naaani, ito’y dahil sa kurakot sa gobyerno.
Upang itaas ang produksiyon ng bigas, kailangan ng irigasyon, fertilizers, pesticides, post-harvest facilities, kalsada at palengke. Pero kulang palagi ang pondo para sa mga gan’ung proyekto. Bakit? E kasi winawaldas ng pamunuan sa mga walang kapararakang bagay. Ehemplo: kung hindi natin binisto, uutang sana ang Arroyo admin ng $330 milyon (P17 bilyon) para sa walang-silbing national broadband network, imbis na ilagay ang pera sa rice production.
Mas ginugusto ng pamunuan na mag-import ng milyon-milyong tonelada ng bigas. Kasi, may kickback sa presyo, sako at barko.