KAWAWANG Agri Sec. Arthur Yap! Siya ang napagdi-diskitahan sa problemang wala naman tayong kontrol porke apektado ng mga global factors. Ang tinutukoy ko ay ang problema sa bigas na mukhang nagiging isyung politikal ngayon.
Suwerte pa rin ang Pinas dahil maski paano, mayroong inaani. Available pa sa pamilihan ang bigas bagamat medyo mahal dahil sa tumaas na halaga ng produksyon.May nakaambang global crisis. Ang lupang inuusbungan ng masaganang ani ay lupaypay sa tinatawag na “climate change”. Lumalaki ang ekonomiya ng China at India na dumoble ang pangangailangang bigas. Ang presyo ng butil ay biglang umangat ng 25 percent sa loob lamang ng isang buwan. Mula $460 kada metrika-tonelada, ito’y naging $500 sa Thailand at Vietnam na pinakamalaking exporters ng bigas.
Noong taong 2000, ang bilang ng mga Pinoy ay nasa 76 milyon lang. Ngayon, nasa 90 milyon na! In fairness personal kong naobserbahang magtrabaho si Yap nang maanyayahan akong mag-cover sa kanyang official trip sa Dubai, UAE kamakailan para magbukas ng oportunidad sa mga panluwas na agri products ng Pilipinas. Masipag at maganda ang konsepto niya. Napalaki niya ang produksyon sa agrikultura noong nakaraang taon where the country had a record harvest of 16.24 million metric tons of rice sa kabila ng dinanas nating tagtuyot noon. Sa taong ito, ang target ng Dept. of Agriculture ay 17.32 milyong metric tons! Kung hindi binigyang prayoridad ng administrasyong Arroyo ang pagpapasigla ng agrikultura, hindi maaabot ang target na ito. Bigyan natin ng tsansa ang 5-point growth agenda ni Yap na naglalaan ng malaking puhunan at pagsisikap sa irigasyon, imprastrukturang pansakahan at iba pang tulong sa mga magsasaka.
Sana’y pagtulung-tulungan ng lahat, oposisyon man o administrasyon, ang isang global problem. Ceasefire muna sa politika. Ang economic recession sa Estados Unidos ay nadarama na rin sa mga bansang ang ekonomiya’y nakasandal sa “dolyar” nito. Maraming pinasok na palpak na investment ang Amerika, kasama na ang paglulunsad ng giyera sa Iraq. Maraming utang ang Amerika kaya kailangang maglimbag ng sobrang salaping papel na mahigit sa halagang ginagarantiyahan nito. Bumabagsak ang halaga ng dolyar at ang lahat ng bansang umaasa sa dollar reserves nito ay apektado. Well, ibang paksa iyan pero malaki ang kinalaman sa tinatalakay nating problema ngayon.