Napababa ni Taas ang krimen sa Nueva Ecija
HINDI nagkamali si Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali sa pagpili niya kay Sr. Supt. Napoleon Taas bilang bagong hepe ng pulisya sa probinsiya niya. Sa 60 days ni Taas sa puwesto, aba itinaas din niya ang morale at accomplishment ng kanyang mga tauhan sa 32 bayan at siyudad sa Nueva Ecija.
Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa mga suki dahil sinuklian naman ni Taas ang tiwala sa kanya ni Gov. Umali sa pamamagitan ng trabaho at trabaho pa. Sa dalawang buwan pa lang kasi, ipinakita na ni Taas ang gilas niya sa pagdakip ng aabot sa 140 kriminal sa sakop niya kasama na rito sina Patricio Quiambao at Catalino Garcia na nakalista bilang most wanted persons ng probinsiya. At higit sa lahat, napababa ni Taas ang index crime incident sa Nueva Ecija ng 40 percent. Hindi biro na accomplishment yan, di ba mga suki?
Kaya kung makikita n’yo si Gov. Umali na nakangisi sa ngayon, ibig sabihin n’yan, kuntento na siya sa trabaho ni Taas na nangako na gagawing halimbawa ang Nueva Ecija bilang isa sa pinakatahimik na probinsiya sa bansa.
Hindi naman kaila na kaliwa’t kanan ang political killings sa Nueva Ecija ng nakaraang mga taon. Karamihan sa mga patayan ay unsolved pa. Sa totoo lang, sa panahon ni Taas may 13 unsolved killings sa probinsiya subalit mababa ito ng 43 percent kumpara sa 23 na nakalista para sa 1st quarter ng 2007.
Pero malaki pa ang posibilidad na malutas ang mga kaso dahil na rin sa initiative ni Taas na Text 0917-9379079 na tinatangkilik ng mga Novo Ecijano. Sa mga nakaraang patayan kasi, walang gustong tumestigo bunga sa takot na mapagbalingan sila, Subalit dahil sa text program ni Taas, malayang makapagreport ang mga Novo Ecijano ng mga pangyayari na na-witness nila at malaking tulong ito para sa lokal na pulisya.
Kung si Gov. Umali ay todo suporta kay Taas, aba hindi rin nagpapabaya ang amo niya na si PNP chief Dir. Gen. Avelino Razon Jr. Itong si Taas kasi mga suki, na miyembro ng West Point 84 ay bata ni Razon kaya nadoble ang monthly operation expenses nila. Kaya panay naman ang talima ni Taas para ipatupad ang Mamang Pulis program ni Razon kung saan ang mga pulis ay dapat naka-deploy sa mga kalye ng probinsiya bilang crime deterrent. At nasa tamang direksiyon si Taas, di ba mga suki? He-he-he! Ang buwenas ng mga Novo Ecijano at may Taas na dumating para pagsilbihan sila.
At para mapabilis ang communication nila, nagbigay ng tig-isang computer set si Taas sa 32 police stations at tatlong Provincial Mobile Group (PMG) offices. Ang lahat ng programa ni Taas ay nakaimbak sa computer kaya hindi na nahihirapan ang mga station commander sa trabaho nila. At sa pakikipagtulungan nina Gen. Razon at Gov. Umali, hindi ako magtataka kung makamit ni Col. Taas ang adhikain niya na mapatahimik ang Nueva Ecija. Bunga na rin ‘yan mga suki sa pakikipagtulungan ng mga Novo Ecijano na nagsawa na rin sa political killings sa probinsiya nila. Abangan!
- Latest
- Trending