KAMI ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ay nasisiyahan sa pagkakahirang kay administrator Marianito “Nitoy” Roque ng Overseas Workers Welfare Administration bilang acting secretary ng Department of Labor and Employment.
Sabi ni Jinggoy, na chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources development, at ng joint congressional oversight committee on labor and employment, “good choice” si Nitoy bilang pinuno ng DOLE.
Isa si Nitoy sa kinuha noon ni dating Labor Minister at dati ring Senador Blas Ople para sa pangangasiwa ng Pilipino overseas employment.
Noong 1976, si Nitoy ay nagsilbing statistician and planning officer sa dating Overseas Employment Development Board. Sa OWWA, siya ay naging technical assistant to the administrator at head ng resources management unit. Naging director, deputy administrator hanggang maging full-fledged administrator.
Si Nitoy ang nanguna sa matagumpay na negosasyon para sa ligtas na pag-uwi ng 28,000 OFWs mula sa gyera sa Kuwait noong Gulf War; gayundin sa 500 Pinoy mula sa Saudi Arabia, at ng 6,000 pang OFWs mula sa Lebanon.
Para sa kumpletong serbisyo sa OFWs, pinangunahan niya ang pagtatatag ng 24/7 Operations Center; informal wage remittance program; pagtatalaga ng welfare officers sa Philippine Missions sa ibayong dagat; homecoming program; pagbubuo ng Filipino communities sa abroad at samahan ng mga pamilya ng OFWs dito sa bansa; pagtataas ng standard ng overseas employment; at pagtransporma sa Philippine Postal Bank bilang OFW Bank. Si Nitoy din ang nagbukas ng OWWA Hostel and Halfway Home for OFWs, modernong OFW e-card, at scholarship trainings sa umuuwing OFWs pati sa kanilang pamilya.
Ngayong si Nitoy na ang pinuno ng DOLE, makaaasa tayo na lalo pang mabibigyan ng mahusay na serbisyo ang mga OFWs at kanilang mga pamilya.