$200 billion

EASTER Sunday ngayon. Easter Sunday din noong 1983 nang naganap ang malakas na pagsabog na yumanig sa San Pedro Cathedral dito sa Davao City at ikinasawi ng maraming tao. At muling binomba ang San Pedro Cathedral noong December 26, 1993, Linggo, isang araw pagkatapos ng Pasko.

At sa trabaho ko bilang reporter na photographer na rin, ilang ulit na rin akong nakapag-cover ng mga bombing incidents hindi lang dito sa Davao City kundi sa mga karatig na lugar din na tinamaan ng bombing attacks dito sa Mindanao sa mga nakalipas na taon.

Habang sinusulat ko ang bawat kuwento sa bawat pag­sabog ng bomba, at habang tinitingnan ko at bini­bilang na rin ang mga namatay at mga nasugatan, para ko na ring tinitigan si Kamatayan sa mata.

At sa gitna ng mga lasug-lasog na katawan at dugo na nagkalat sa kung saan isa lang ang tanong na parating nasa isip ko, “bakit?”

Kadalasan din sa tuwing nag-iinterview ako ng mga naulila ng mga nasawi o ’di kaya sa pakikipag-usap ko sa mga nasugatan, parati rin nila akong tinatanong kung makakamit ba nila ang hustisya sa trahedya o kung may katapusan ba ang ganung uri ng pangyayari.

Kaya wala rin akong sawa sa katatanong sa military o police­ officials, kasali na ang national security officials tungkol sa anti-terrorism campaign ng ating pamahalaan, parati ko ring inusisa magkano ba ang nilalaan na pondo para sa nasabing kam­panya para ito ay maging epektibo talaga.

Ang punto ay ang kampanya laban sa terorismo ay hindi puwedeng laban lamang ng isang bansa. Ang problema ng terorismo ay global in scope. Kaya kailangan ang ko­operasyon ng ibang bansa para sa pagsugpo ng problema.

Ayon sa isang bagong study na sinagawa ng Copenhagen Consensus Center, umaabot na raw ng humigit $200 billion ang ginagastos ng iba’t ibang bansa sa mundo sa kampanya laban sa terorismo. Kasali na sa nasabing halaga ang ginastos ng US sa giyera sa Iraq at Afghanistan. Ang naturang halaga ay mas malaki pa ng ilang ulit sa annual budget ng Pilipinas na umabot sa P1.27 trillion nitong 2008.

Sana naman sa laki ng perang nilalaan para sa counter-terrorism, ay hindi makaligtaan ang mas mahalaga ring ibang problema gaya ng kalusugan, environment at kahit na edukasyon.

Iyon nga ang pinakita ng nasabing study ng Copen­hagen Consensus Center sa halaga ng pera na napu­punta sa anti-ter­rorism campaign ng mga developed nations kasali na ang US.

Tiningnan ng nasabing study ang benefit na nakukuha sa bawat dolyar na ginagasta laban sa terorismo. Binilang din nila na may average 450 na buhay taun-taon ang nawa­wala dahil sa terorismo na ikumpara, halimbawa, sa mahigit 30,000 na namamatay sa highway accidents sa US.

Sinasabi ng Copenhagen Consensus Center study na hindi worth it ang benefits na nakukuha sa “antiterrorism campaign compared to its costs.”

Ngunit, ilang bilyong dolyares man ang nakalaang halaga sa pagsugpo ng terorismo, isang bagay lang ang alalahanin natin, walang katumbas na halaga ang buhay ng tao.

At ngayong Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo, muli nating isipin ng mabuti ang ginawang pagpahalaga ng Panginoon sa buhay ng bawat tao. Sa mata ng Diyos, bawat isa sa atin ay mas mahalaga pa sa $200 billion, o ’di kaya sa lahat ng kayamanan ng mundong ito.

Show comments