NOON ay tila isang anghel mula sa kalangitan na tinanggap ng sambayanan si Rodolfo “Jun’’ Lozada. Ang mga inilahad niya ay ikinatuwa ng marami. Mayroon ding isang taga administrasyon na naglakas-loob na magbunyag ng katiwaliang kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal. Ibinunyag ni Lozada ang tungkol sa maanomalyang national broadband network (NBN).
Ibinunyag ni Lozada ang tungkol sa komisyunan at iba pang kasamaan na naganap kaugnay ng nasabing proyekto. Maraming madre at La Salle Brothers and umalalay kay Lozada. Dumami ang sumuporta sa kanya. Nagkaroon ng bandwagon effect. Naging maganda rin ang dating niya sa mga estudyante at kabataan kaya binuksan sa kanya ang karamihan sa mga schools and universities. Dahil kay Lozada, nagkahati-hati at nagkagulo ang kaparian.
Hindi nagustuhan ng administrasyon ang ginawang pagsisiwalat ni Lozada sapagkat isinangkot niya hindi lamang si First Gentleman Mike Arroyo kundi pati si GMA mismo, dating Comelec chairman Benjamin Abalos, dating NEDA chief Romulo Neri, DTI Sec. Peter Favila, DOTC Sec. Leandro Mendoza at iba pa.
Nagiging matindi ang labanan ng dalawang panig —ang kampo ni Lozada at ang kampo ng Malacañang. Okey lang sana na mangyari ang ganito sapagkat talaga namang dapat asahan na lalaban ang administrasyong Arroyo dahil may sumisira sa kanila. Kaya lang, nagiging parang pulitikahan na ang nangyayari. Ang kampo ni Lozada ay nahaluan na ng mga pulitiko na kalaban ni GMA.
Nagiging pulitiko na si Lozada at nagpapagamit na siya sa mga taga-oposisyon. Sa palagay ko, kakandidato na rin si Lozada sa pagka-senador sa darating na 2010 elections. Ang hindi ko nagustuhan ay ang sinabi ni Lozada na handa siyang umalis bilang isang Katoliko kung hindi siya pagbibigyan sa kanyang kagustuhan ng mga Obispo. Mukha yatang sumusobra na ang laki ng ulo ni Lozada. Hindi na siya ang dating si Lozada nang una siyang nagpakilala.