Nagmula sa mag-asawa

KASO ito ng mga tagapagmana nina Fred at Lorna. Noong nabubuhay pa ang mag-asawa, nakabili sila ng isang 120 metro kuwadradong lote na tinayuan nila ng bahay. Ang lote ay nakadeklara sa pangalan ni Fred bilang TD 1151.

Nang mamatay si Lorna, hindi naisalin ang lupa sa tagapagmana niyang sina Fred, at sa dalawang anak nilang sina Jun at Luz. Samantala, nakipagrelasyon naman si Fred kay Lina at tumira ang dalawa sa nasabing bahay.

Noong Pebrero 27, 1960, habang nagsasama ang da- lawa, bumili si Lina ng isang 192 metro kuwadradong lote na sakop ng TD 02115. Ipinagbili niya ang 40.10 metro kuwadrado at itinira para sa sarili ang 151.90 metro kuwadrado.

Noong Hulyo 7, 1965, dalawang araw bago siya nama­tay, pinakasalan ni Fred si Lina. Muli, hindi pa rin nasalin sa mga tagapagmana ang naiwang ari-arian ni Fred.

Noong Setyembre 10, 1973, ang 151.90 metro kuwa­dra­dong lupa ni Lina na sakop ng TD 02115 ay lumaki at ayon sa mga dokumento ay naging 336 metro kuwadrado pa. Naisama ang orihinal na 120 metro kuwadradong sakop ng TD 1151. Ang paliwanag sa pagbabago, binago raw ang dokumento ayon na rin sa gusto ng may-ari at upang maayos ang buwis ng lupa.

Ang bagong TD na nakapangalan kay Lina ay ang TD 2038 at may sukat na 336 metro kuwadrado. Noong Disyembre 18, 1986, binenta ni Lina ang lupa sa mag-asawang Lito at Ana. Ang TD 2038 ay nabago at naging TD 4946 sa pangalan ng mag-asawa.

Bandang 1987, sinubukan ng mag-asawang Lito at Ana na patituluhan ang 336 metro kuwadradong lupa ngunit mahigpit silang tinutulan ng anak ni Fred na si Luz.

Noong Nobyembre 3, 1989, pagkamatay ni Luz, ang mga tagapagmana naman niya pati ang iba pang taga­pagmana ni Fred ang nagsampa ng kaso sa korte upang mabawi ang lupa mula kina Lito, Ana at Lina.

Ayon kay Lito at Ana, pag-aari ni Lina ang buong 336 metro kuwadradong lupa dahil siya ang bumili nito bago siya pinakasalan ni Fred. Hindi si Fred ang may-ari ng lupa kaya mali­naw na hindi maaaring mag­mana ang kanyang mga kaanak. Isa pa, wala silang alam tungkol sa kung ano man ang proble­ma sa lupa basta sa parte nila, tama ang halagang naibayad nila para sa lu­pang nakarehistro naman sa pangalan ni Lina. Tama ba ang mag-asawa?

MALI. Ang lupang sang­kot sa bentahan ay ang 336 metro kuwadradong lupa na kasama hindi lang ang lupang binili ni Lina noong dalaga pa siya kun­di pati na rin ang 120 metro kuwadradong lupa na na­ipundar ng mag-asa­wang Fred at Lorna. Mali­naw na ang 120 metro kuwa­dradong bahagi ng lupa na binenta ni Lina sa mag-asawang Lito at Ana ay ang lupang pag-aari nina Fred at Lorna.

Ang tanging basehan ng pag-aari ni Lina sa 120 metro kuwadradong lote ay ang binagong deklaras­yon ng buwis na siya rin mismo ang nagpabago pagkatapos mamatay si Fred. Ang pagbabago ng papeles ay hindi sapat upang baguhin ang kato­tohanan na ang lupa ay pag-aari ng yumaong Fred at Lorna. Ang dalawa pa rin ang tunay na may-ari.

Nang mamatay si Lorna, kalahati ng ari-arian ay napunta kay Fred at ang kalahati naman na parte ni Lorna ay dapat na malipat sa kanyang asawa’t mga anak. Tig-20 metro kuwa­drado ang matatanggap ng mag-aama.

Nang mamatay naman si Fred, ang karapatan niya sa lupa ay bilang may-ari ng pinagsamang 60 metro kuwadrado at 20 metro kuwadrado. Dapat ay ma­lipat naman ito sa kanyang mga tagapagmana na sina Jun, Luz at Lina. Si Lina ay may karapatan lamang sa ikatlong bahagi o sa 26.6666 metro kuwadrado.

Dahil ang karapatan ni Lina ay sa 26.6666 metro kuwadrado lamang kum­para sa kabuuang 120 metro kuwadrado, malinaw na mapupunta dapat sa mga anak ni Fred ang 93.3333 metro kuwadrado. Ngunit dapat nilang tandaan na bago nila mahati ang lupa, kailangan muna nilang sumailalim sa tinatawag na “judicial/extra-judicial partition”.

(Spouses Coja vs. Court of Appeals et.al., G.R. 151153, December 10, 2007)

Show comments