Ngayon ay Linggo -– Linggo ng Palaspas
ang araw na ito’y may gintong sagisag:
dumating si Jesus -– Dakilang Mesiyas
Siya’y sinalubong ng dasal at galak!
Bayang Jerusalem nang Kanyang sapitin
mga tao roo’y naging madasalin;
bata at matanda’y iisa ang hiling
makita si Jesus sa Kanyang pagdating!
Sa bungad ng bayan Siya’y sinalubong
ng maraming taong nasasabik doon;
dahon ng oliba at iba pang dahon
iwinawasiwas ng nagsisalubong!
Ngayon naman tayong mga mamamayan
ang nangyari noon ay iginagalang;
bilang pagdakila sa Diyos na banal
palaspas na dala’y pasok sa simbahan!
Ito’y tradisyon nang ngayo’y ginaganap
sa mga simbaha’y dala ang palaspas;
matanda at bata’y iisa ang hangad –-
basbasan ng pari mga dahong hawak!
Sa daigdig ngayon lahat ng Kristyano
di nalilimutan ang gawaing ito;
nasa sa isipan at taglay sa puso –-
hawak na palaspas ialay sa Santo!
Dahil nga sa ito’y isa nang tradisyon
sa maraming bansa’y ginagawa ngayon;
ang masama lamang –- sa bayan at nayon
nasabing palaspas ay napapatapon!
Sa ngayo’y hindi na pinag-iingatan
nasabing palaspas sa mga tahanan;
matapos na ito ay mabenditahan
mga lantang daho’y nasa basurahan!
Bakit nga bakit nga tayong mga tao
bisa ng palaspas naglaho sa puso;
hindi ba’t n’ong araw ito’y nasa pinto
panlaban sa sakit at saka sa diablo?