ISANG grupo ng kababaihan ang nagsampa ng kasong graft laban kay star ZTE witness Jun Lozada. Pahayag ng pangulo ng Babae Para sa Kaunlaran (BABAE KA) na isa siyang ina at ayaw niyang makita ng mga anak niya na ang mga gumagawa ng katiwalian ay hindi napaparusahan. Ah ganun? Kung ang pinag-babasehan niya ay ang mga pahayag ni Erwin Santos, na umiyak-iyak pa sa TV habang sinasalaysay ang mga ginawang anomalya ni Lozada, bakit hindi rin nila sampahan ng kaso si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, na isinangkot na ng halos lahat ng tumestigo ukol sa ZTE/NBN, maging kaalyado man ng administrasyon tulad ni Romulo Neri o mga oposisyon o laban kay President Arroyo?
Sa tanong lang na ito ay maaamoy mo na ang mga umaalingasaw na kamay ng administrasyong Arroyo. Tila nagsisimula na ang kontra-salakay ng Palasyo laban sa lahat ng tumetestigo laban sa unang pamilya. Pati iyong “surprise witness” na si Leo San Miguel na gumulat kay Senator Panfilo Lacson. Parang planado lahat ng ginawa sa Senado, kuryente ika nga, o kaya’y binago na lang niya ang kanyang testimonya matapos makausap ng isang abogado ng Malacañang. Isa lang ito sa mga estratehiya ng Palasyo. Harrassment ng mga testigo. Isa pa ang pagpapatagal ng imbistigasyon para mawalan na ng gana ang mamamayan at wala nang pakialam sa anumang anomalya sa gobyerno. Sa totoo lang, habang tumatagal ang isang bagay, normal na nawawalan ng gana ang tao sa pag-susubaybay nito. Ganito ang nangyari sa isyu ng “Hello Garci”. Sa tagal nang imbestigasyon, halos nakalimutan na. May nakakaalala pa ba kay Lintang Bedol, na hindi pa mahanap, o ayaw hanapin.
At ang laging hamon ng administrasyon na dalhin sa korte ang laban. Dito mukhang pinakita ni Leo San Miguel ang dahilan kung bakit matapang ang gobyerno sa kanilang hamon na magsampa na lang ng mga kaso laban sa kanila. Sa pagsasalaysay ni San Miguel, sinabi niya na wala siyang kontrata o dokumentong pinirmahan kaugnay sa kanyang trabaho sa ZTE. Usapan lang daw. Alam nila na maanomalya ang lahat ukol sa ZTE, kaya wala nang pirmahan ng dokumento na magagamit laban sa kanila! At ang dalas naman mawala ng mga kontratang pinirmahan na, tulad nga sa ZTE at sa North o South Rail! Kaya huwag na tayong magtaka kung may mga bagong testigo na namang lalantad pero wala namang sasabihin, kung patuloy ang paghamon ng gobyerno na magsampa na lang ng mga kaso, at magtuloy ang harrassment sa mga tes tigong katulad ni Jun Lozada. Madulas ang administrasyong ito. Dulas na magsisiguro na matatapos ang termino ni GMA hanggang 2010. May ilang taon pa para hanguin ang kanilang mga tinanim na katiwalian.