EDITORYAL — Laging panalo si Imelda
MAHIRAP ma-convict ang mga corrupt sa bansang ito. Kaya ang kasalukuyang imbestigasyon ng Senado sa maanomalyang national broadband network (NBN) project ay mawawalan din ng saysay. Sinasayang lamang ng mga senador ang panahon sa makontrobersiyal na proyekto. Walang mangyayari sa paghahanap ng katotohanan.
Isa sa magandang halimbawa ay ang nangyaring pagkakaabsuwelto na naman ni dating First Lady Imelda Marcos sa 32 counts ng dollar salting. Sabi ni Manila City Regional Trial Court Judge Silvino Pampilo Jr. napawalang-sala si Imelda sapagkat walang nai-prove na kapani-paniwalang ebidensiya laban dito.
Ang kaso na tumagal ng 17 taon bago na-desisyunan ay nagsimula nang akusahan si Imelda, kasama si dating Ambassador Roberto Benedicto at Hector Rivera na nagbukas ng 11 dollar accounts sa Switzerland sa ilalim ng pangalan ng 10 foundations. Ang foundations ay linked sa Marcos family. Ang accounts ay may nakadepositong pera na umaabot sa $863 million. Ang kasong ito ay hiwalay din namang nakasampa sa Sandiganbayan anti-graft court. Gayunman sinabi ni Judge Pampilo na maaari pang ipagpatuloy ang kaso kay Imelda sapagkat si Imelda ay na-clear lamang sa criminal charges.
Hindi na naman napatunayan si Imelda at kahit pa may mga nakasampa siyang kaso na may kinalaman sa pagkamal ng pera ay siguradong mapapawalang-sala siya at ganoon din ang mga kasama. Kahit na nga sabihin pang matagal bago madesisyunan ang kaso ay pabor pa rin sa dating First Lady dahil napapawalang-sala naman siya. Walang dapat ipangamba si Imelda sapagkat talagang ganito sa bansang ito, na mahirap mapatunayan ang mga nakagagawa ng kasalanan. Lalo na kung maimpluwensiya.
Mayroon ngang mataas na pinuno na naihatid sa kulungan subalit pinalaya rin matapos patawarin ng kasalukuyang Presidente.
Mahirap ma-convict ang mga corrupt sa bansang ito. Kahit na lantaran ang pagnanakaw ay hindi na pinapansin sapagkat wala rin namang nangyayari.
- Latest
- Trending