KUNG me buwenas na tao sa bansa natin sa ngayon, hindi yan si ZTE broadband deal star witness Rodolfo Noel Lozada Jr. mga suki kundi si Chief Insp. Mabun. Dating miyembro ng Malabon City police itong si Mabun at nasipa bunga sa raket niya sa video karera. Subalit nitong nakaraang araw, nakakuha ng padrino si Mabun at nabalik siya sa Northern Police District (NPD) sa ilalim ni Chief Supt. Pedro Tango. Si Mabun ay naka-assign sa ngayon sa District Police Intelligence Unit na ang hepe ay si Supt. Olarte.
Ang akala ng taga-NPD ay nagbago na si Mabun dahil sa pagtapon sa kanya sa malayo ay nagkaroon siya ng leksiyon. Nagkamali sila. Nitong nagdaang mga araw, kung si Lozada ay nag-campus tour para isiwalat ang anomalya sa ZTE deal, nag-ikot naman sa Malabon City si Mabun at kinausap ang mga barangay officials at mga financiers ng sugal lupa. Ang hinihirit ni Mabun kailangang magkaroon siya ng tarang P500 kada butas ng sugal lupa tulad ng sakla, video karera, lotteng, at iba pa. At ang pinangalandakan ni Mabun ay ang pangalan ng padrino niyang pulitiko. Matibay ang hasang ni Mabun ’no mga suki? Kaya lang bunga sa sobrang laki ang hinihinging lingguhan ni Mabun, nag-aalboroto ang mga financiers ng sugal lupa at nakarating nga sa akin ang reklamo nila. (Itutuloy)