MALAON nang nagnenegosasyon ang RP at telecom firm Arescom ng US para sa national broadband network nang sumingit ang ZTE ng China nu’ng 2006. Bigla na lang tinalikuran ng RP ang naunang bidder at, nu’ng Abril 2007, nakipag-kontrata sa bagong-salta. Kung nagtataka ang mga Pilipino sa iginawi ng kanilang gobyerno sa ZTE deal, lalo silang magigitla sa pagtalikod nito sa matagal nang kaalyadong US para akapin ang China.
Taong 2002 nang, sa tulong ng US, hinikayat ng RP ang Association of Southeast Asian Nations na magkaisa kontra sa banta ng China. Pakay ng RP noon na bugawin ang China sa Spratlys, mga isla sa South China Sea na pinaniniwalaang may langis at natural gas. Inaangkin ang Spratlys di lang ng RP at China, kundi pati Taiwan at taga-ASEAN na Vietnam, Malaysia, Indonesia at Brunei. Dahil sa malimit na girian ng RP, China at Vietnam, nilistang sanhi ng karahasan ang rehiyon. Kaya pinapirma ng RP ang ASEAN at China ng kasunduan na ang pakay ay ihinto ang pagdami ng militar ng China sa Spratlys. Nagyabang pa ang RP sa pamumuno.
Lumipas lang ang dalawang taon, bumaliktad ang lahat. Tumiwalag ang RP mula sa kasunduang ito mismo ang nagpasimuno, at nagpasyang solo na lang siyang makikipagharap sa China. Sa isinalin na ulat ni Barry Wain sa Far Eastern Economic Review (Jan.-Feb. 2008): “Malaki ang sorpresa sa apurahang biyahe ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo sa China nu’ng patapos ng 2004. Kabilang sa mga maseremonyang pinirmahan ng dawalang bansa ay joint seismic studies ng kani-kanilang national oil companies sa masalimuot na South China Sea. Ikinagalit ito ng ASEAN.”
Dagdag pa ni Wain: “Nakakapanlumong pumayag din ang RP sa joint exploration hindi lang ng pitong islang inookupa nito sa Spratlys, kundi pati na rin ang continental shelf nito.”
Ang continental shelf ay lupang lubog sa tubig mula sa pampang hanggang sa puntong bumabagsak na ito sa ocean floor. Sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea, tinuturing itong bahagi ng teritoryo ng isang bansang isla o nasa tabing-dagat — at lalo na kung kapuluan.
Bakit patraydor na isinuko ni GMA sa China hindi lang ang Spratlys na sakop ng Pilipinas, kundi pati ang sariling shelf nito? (Itutuloy bukas)