NU’NG 1986 pinabagsak ang isang diktador; nu’ng 2001, isang plunderer. Bakit nangasa-kalsada na naman ang mga mamamayan at nagpapatalsik muli ng isang Presidente — dahil sa laganap na patayan at katiwalian?
Malinaw ang sagot sa katanungan: Makalipas ang dalawang People Power Revolt, hindi pa rin nakapaglatag ang bansa ng matinong sistema. Naroong ibinalik lang ng EDSA-1 ang lumang oligarkiya at Kongresong hawak nito. At pinatindi lang ng EDSA-2 ang pork barrel ng Kongreso, ang pag-control ng oligarkiya sa Malacañang, at impluwensiya naman ng Malacañang sa local officials at Simbahan. Resulta: Labis na pag-aabuso ng mga naghaharing pulitiko sa kapangyarihan at sa pera ng taumbayan.
At bakit nagkaganoon ang EDSA-1 at 2, gay’ung resulta ang mga ito ng sama-sama’t demokratikong pagkilos ng mamamayan? Nasa sipi ni Edmund Burke marahil ang sagot: “Para manaig ang kasamaan, kelangan lang ay walang gawin ang mabubuting tao.”
Matapos ang EDSA-1 at 2, kinailangan ang mabubuting tao para patakbuhin ang gobyerno. Pero hindi nila ginawa ito. Nagsiuwian sila matapos bumagsak si Marcos at si Estrada; nagsibalikan sila sa kanya-kanyang buhay. Ipinaubaya na lang sa iilang ang misyon ng patuloy na pagrereporma upang makahubog ng bagong sistema. E nagkataon na marami sa iilang iyon ay kawatan na winasak lang ang mga simulain ng People Power.
Sinasabi ng mga obispo na hindi na uso ang EDSA-1 at 2. Kung lilinisin ngayon ang administrasyong Arroyo, kailangan daw ng bagong uri ng People Power. Hindi na pagmamartsa, kundi ibang ibang anyo.
Sa aking palagay, ang bagong People Power ay ang pakikilahok ng mas maraming mabubuting tao sa kalakaran sa gobyerno. Ito’y boluntaryo na paghawak ng mga halal at hirang na puwesto, miski maliit ang kita, para lang maisulong ang reporma. Kasama na rin dito ang walang-sawang pagbabantay sa gobyerno para hindi lumihis sa landas ng matinong pamumuno. Kailangan baguhin ang sistema, hindi lang ang tao sa taas.