Hanggang saan ang people power? (Part 3)
SANG-AYON naman si Dr. Benjie Tolosa ng Ateneo: Ituloy lang natin ang mga maka-demokratikong proseso na ito, rally man ito, impeachment process, paglilitis sa Ombudsman. Kapag dumating naman sa kasukdulan ang pagtatakip at abuso ng pamahalaan ay sasabayan din ito ng kasukdulan ng damdamin ng taumbayan. Tulad sa EDSA 1 na nagalit ang tao sa pagmaniobra sa snap elections at sa EDSA 2 na tila minaniobra raw ang impeachment process at di na ito natuloy, nagpasakalye na ang tao. Hindi pa huli ang lahat para sa mga naiinip at gusto nang tanggalin si GMA sa pagka-presidente. Pero hindi rin ito puwedeng madaliin.
Ang punto ng mga nagsalita na beterano na sa ganitong mga sitwasyon ay di maaaring makalburo, kumbaga, ang pagpapalit sa mga lider ng pamahalaan. Kapag daw inunahan ng inip at pagpipilit ito malamang mangyari ang hindi dapat mangyari — at yan ay ang paggamit ng publiko sa military at ang military naman ay magpapagamit hanggang sa, sila mismo, ay manggagamit. Ayon kay Elfren Cruz, beterano ng EDSA 1, “Ang problema kapag natanganan na ng military ang kapangyarihan, bitawan pa kaya nila ito? Hindi dapat mangyaring matanganan ng military ang susi. Labag din ang pakikialam ng militar sa mga aktibidad sibilyan sa Saligang Batas natin. Ngunit naniniwala si Cruz na mangyayari pa rin ang kasukdulang ito o “tipping point” kung tawagin bago mag 2010. Ito daw ay dahil sa pagka arogante ng admi-nistrasyong ito. Itong administrasyong tahasang sinusubukan ang pasensya ng bayan. Naniniwala si Cruz na dahil sa kayabangan ay magkakamali rin ang mga ito: Kidnapping, pagpatay ng tao, EO 464, pagmaniobra ng botohan sa Kongreso — at iyun na rin ang mitsa ng kinalalagyan ni Gloria Arroyo ngayon. At lalabas sa panuntunan ng Saligang Batas ang aksiyon ng publiko ngunit hindi ito mapipigilan.
- Latest
- Trending