SINISIRAAN na si Vice President Noli de Castro. Hindi raw karapat-dapat na pumalit kay President Arroyo sakali at mapatalsik sa puwesto? Bakit naman kaya? Di ba si Noli ang Vice President ngayon na ibinoto ng milyun-milyong Pilipino? Sa Konstitusyon, ang Vice President, ang dapat pumalit kapag nabakante ang posisyon ng pagka-pangulo.
Si Noli naman ay may pinag-aralan at humawak din naman ng malaking posisyon at responsibilidad bilang broadcaster. Matagal din siyang naging senador.
Hindi si Noli ang kanilang iniinsulto kundi ang milyun-milyong Pilipino na bumoto rito na hindi naman lingid ay maaaring maging Presidente kapag nabakante ang posisyon. Kaya hindi si Noli ang kanilang iniinsulto kundi ang mga bumoto rito.
Sa palagay ko hindi ang kakayahan ni Noli ang talagang kanilang problema. Ang totoo ay ayaw ng ilang nag-aambisyong maging Presidente na makaupong kapalit ni GMA si Noli sapagkat mahirap itong makalaban sa 2010 presidential elections. Siyempre, kapag nakaupo na nga naman si Noli, mapupunta na sa poder nito ang lahat ng power at resources.
Kung kaya’t hindi mahirap unawain na ang talagang posibleng gumagawa ng paraan na huwag nang mapatalsik si GMA ay ang mga taong natatakot sa lakas ni Noli. Kahit na parami nang parami ang nananawagan na lumayas na si GMA sa Malacañang. Mas gusto pa ng mga ambisyosong pulitiko na tapusin na lamang ni GMA ang termino kaysa naman mapalitan ito ni Noli.
Palakas din naman nang palakas ang sigaw sa pagre-resign ni GMA. Parami nang parami ang mga nakikila-hok sa mga rallys at street demonstrations at iba pang paraan ng pagpoprotesta. Sa palagay ko, baka hindi na magtatagal at ang kagustuhan na rin ng taumbayan ang masusunod at makikita na rin ang hinahanap na katotohanan. Iyan ang aking nakikita sa mga nangyayari.