NGAYON tatalakayin ng Korte Suprema ang isyu ng executive privilege. Lilinawin ng Hudikatura kung maari bang pilitin ng Senado si Sec. Romy Neri na ibunyag ang mga pinag-usapan nila ni Gloria Arroyo tungkol sa maanomalyang ZTE deal.
Ang executive privilege ay karapatan ng Presidente at Gabinete sa Konstitusyon na ilihim ang mga usapan nila, lalo na kung nakasalalay ang seguridad ng bansa at relasyon sa iba pang bansa. Pero hindi ito maaaring ihirit kapag nakasalalay naman ang karapatan ng mamamayang malaman ang anumang may direktang epekto sa buhay nila.
Halimbawa: nagbayad na ba ang gobyerno sa ZTE?
Lumulutang ang tanong na ito dahil sa Art. 8 ng DOTC-ZTE contract ng Abril 21, 2007. Dapat daw magbayad ang DOTC sa ZTE ng 15% down payment sa loob ng 10 araw na maging epektibo ang kontrata. Hindi ito manggagaling sa anumang uutangin ng gobyerno sa China. Kumbaga, sagutin mismo ito ng Pilipinas: $49 milyon ng $329 milyon. Maaalalang inanunsiyo ni Gloria Arroyo nu’ng September 2007 ang pagkansela umano ng kontrata; pero walang dokumentong nagpapatunay dito. Kaya maaaring naging epektibo muna ang kontrata, at naibayad na ang paunang $49 milyon.
Lumulutang din ang tanong sa alon ng pahayag ni Dante Madriaga sa Senado. Anang dating technical consultant ng ZTE, nag-advance ang kompanyang Tsino ng $41 milyon sa mga Pilipinong backer nito. Una raw ay $1 milyon para representation nu’ng Agosto 2006; tapos, $10 milyon nang i-endorse ng NEDA ang proyekyo nu’ng Marso 2007; at huli ang $30 milyon nang i-witness ni Arroyo ang pirmahan nu’ng Abril 2007. Kalahati raw ng bawat release ay napunta sa mag-asawang Gloria at Mike Arroyo.
Masyadong malapit ang $41 milyong advance sa $49 milyong down payment. Nagiging suspetsoso ito lalo na’t gumasta nang malaki ang ZTE para sa financial studies, engineering designs, at presentasyon nito — pero hindi naman naniningil ng damages sa pagkansela ng kontrata.
Nabayaran na nga ba sila ng $49 milyon kapalit ng $41 milyon? Sana sagutin ‘yan ng Palasyo, at hindi magtago sa likod ng executive privilege.