The power to tax is the power to destroy
HINDI basta-basta ang naging unang sigaw ng House of Representatives sa pamumuno ni Cong. Boy Nograles, bagong Speaker of the House. Masdan ang tugon niya sa “Communal Action” ng mga Obispo: Sisilipin daw ng Kongreso ang patuloy na tax exemption ng Simbahan! Malinaw itong banta na kapag hindi sila umawat sa pagtugis sa katotohanan, mananagot ang Simbahan. Ngayon lang natin makikitang hayagang mam-“blackmail” ang Kongreso sa isang sektor ng lipunan.
Isa sa pinakamahalagang kapangyarihan ng Kongreso ang pagpataw ng buwis. Kapag walang buwis, mahihirapan ang pamahalaang maghatid ng serbisyo. Subalit dahil ang buwis ay pahirap sa tao, kapag pabayaan maipataw ng walang kontrol o limitasyon, maaring makasira ito nang hindi inaasahan. Wika nga ni Marshall, “the power to tax is the power to destroy.” Kritikal ang pagtukoy ng mga tao, bagay, o serbisyong binubuwisan o nililibre sa buwis –- hindi uubra rito ang basta-basta lang. Ito pa nga ang ugat ng himagsikan sa Amerika nung ika-18 siglo. Hindi magandang pakinggan na ang sensitibong kapangyarihang ito ay walang pakundangang isusumbat para lamang patahimikin ang mga alagad ng simbahan. Ito’y maliwanag na pang-abuso. (Siya nga pala, ang Saligang Batas mismo ang nagbigay ng tax exemption ng Simbahan. Hindi ito maaring bawiin ng Kongreso.)
Sanay na ang tao sa inaasal ng mga Kongresista kapag sila-sila ang nagbabangayan tulad sa impeachment at Cha-cha debates. Bulgar na ang kapasidad nitong abusuhin ang patakaran para gumawa ng pansariling kabalbalan. Subalit itong extortion sa simbahan na wala namang habol kung hindi katotohanan; simbahang sinakyan sa pag-agaw ng kapangyarihan noong 1986 at 2001 -– ay obvious na pandedepensa lamang kay Gng. Arroyo. Kahit katiting ay hindi masasabing para sa bayan ang pambungad na panukala ni Speaker Nograles. Ang Kamara ng ating mga kinatawan ay hindi na boses at tahanan ng Mamamayang Pilipino. Ito na ngayon ang pinakabago sa maraming “Bahay” ni Gloria Macapagal Arroyo.
SPEAKER PROSPERO NOGRALES
GRADE: 63
- Latest
- Trending