^

PSN Opinyon

‘Mga bala sa matatalas na dila’

- Tony Calvento -

MAG-INGAT SA MGA SALITANG BINIBITIWAN at baka maging mitsa ito ng inyong buhay!

Sa salitang Ingles “badmouthing” ang tawag dito. Sa atin naman “intriga o paninira.”  Anuman ang tawag dito wa­lang magandang idudulot ang pagsasalita ng masama sa kapwa.

Sa isang kwento na ipinarating sa akin na nagmula pa sa La Union, Ilocos Norte, magkaibigan ang mga taong sangkot sa kasong ito. Nakapanghihinayang dahil magkakasama silang nag-umpisa bandang huli isang trahedya dahil sa hindi pagkakaintindihan ang kakauwian lang pala.

Si Marcelo Zambales at SP03 Leonardo Blanza ay malapit na magkaibigan. May kailangan ayusin sa Maynila itong pulis kaya’t nakiusap ito na samahan siya ni Marcelo sa pagluwas dito.

Uutang sa APSLAI itong si Blanza kaya nagtungo sila sa Camp Crame, Santolan, Quezon City. Ang mga detalye sa kwentong ito ay isinalaysay ni Maricel “Emma” Tapales, kapatid ng biktima kasama ang kanilang testigo na si Dante na kinalap ni Joy Baes sa aking tanggapan.

Inabot ng tatlong buwan ang pag follow-up ng loan ni Blanza at kinailangan na magbalik-balik sila sa Camp Crame kaya’t nagkagastos sila ng tatlong libong piso (P3,000).

Si Marcelo pa ang gumawa ng paraan para makakalap ng halagang ito para lamang makatulong sa kanyang kaibigan.

Matapos ang ilang buwan na-irelease ng APSLAI ang perang hinihiram ni Blanza. Subalit ng makuha na nito ang kanyang loan hindi na nito naalalang bayaran ang perang naiutang ni Marcelo.

Nang malaman ni Marcelo na nakuha na nung kaibigan niyang pulis ang perang hiniram at hindi pa siya nababayaran nakapagsalita ito ng kanyang hinanakit. 

Nakarating sa pulis ang mga sinabi nitong si Marcelo kaya’t nagtanim ito ng galit. Enero 11, 2005 ng magsadya itong pulis na may kasamang kaibigan sa lugar nila Marcelo sa Sitio Malanas, Barangay Lettac Sur, Santol, La Union. Kasama nung suspek sina Efren Cajotay, Teddy Pal-A, Rogelio Layag, ang bayaw ng biktima na si Agapito Pal-A.

“Nagdala sila ng inumin at pati na rin pulutan. Kambing ang kinain nila. Habang sila ay nag-iinuman dun na isinagawa nitong si Blanza ang kanyang maitim na balak na patayin ang aking kapatid,” ayon kay Maricel. 

Nang medyo may karga na ang mga ito ng alak, sinita na nitong pulis ang kaibigan tungkol sa mga naririnig niyang ipinagkakalat umano ng biktima tungkol sa kanya.

Sumagot naman itong si Marcelo at inamin niya na nasabi nga nito na “hindi magandang kausap itong pulis dahil hindi tumupad sa pangako.”

Sa puntong ito hindi nagdalawang isip itong pulis na bunutin ang kanyang baril at pinagbabaril ang walang kalaban-laban na si Marcelo. Kahit may tama na itong si Marcelo nakuha pa nitong tumakbo subalit hinabol siya ng suspek. Sa hindi kalayuang lugar mula sa kanilang pinag-iinuman, bumagsak itong si Marcelo dahil na rin sa dami ng tama ng bala.

Hindi pa rin siya tinigilan ng suspek. Lumapit pa ito at pinaputukan pa ng ilang ulit. Labing isang bala ang pumasok sa katawan ng biktima.

“Patay na nga si Marcelo sige pa rin ang pagbaril sa kanya,” mariing sinabi ni Emma.

Ipinakita sa amin ang mga tama ni Marcelo sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Meron sa baba, sa kilikili sa tiyan at pati na rin sa mukha. Kapansin-pansin din ang mga sugat ni Mercelo napunit ang kanyang balat at nakalabas ang laman. Nakahandusay ito sa gitna ng talahiban.

Ang kaso na dapat sana’y MURDER ay na-down grade sa HOMICIDE. Subalit kung titingnan mo may “qualifying elements” ang pagpatay dito kay Marcelo na maaring pasok ito sa Murder.

Unang-una, sinadyang puntahan ang biktima sa kanilang lugar upang sitahin umano sa mga sinasabi nito na hindi nagustuhan ng suspek. Obvious naman na may “treachery” o pataksil dahil kung alam ng biktima na papatayin siya, hindi na ito haharap sa isang inuman at magtatago na lamang. May baril ang suspek at walang armas ang biktima. May tama na at tumatakbo na subalit hinabol pa ito at tinadtad ng balas sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

PARA NAMAN sa isang patas at balanseng pama­mahayag inaanyayahan ko na magbigay ng kanyang panig itong si SPO3 LEONARDO BLANZA para malaman naman natin ang kanyang bersyon.

Nakapagpiyansa itong pulis at ang problema ngayon ng pamilya ni Marcelo ay natatakot ang mga taong tumestigo laban dito. Malaya kasing nakakagala-gala ang suspek at ang balita ng kanyang kapatid ay nakabalik pa ulit sa trabaho at ngayo’y nagduduty ng muli.

Kung kulang pa ang problema ng pamilya ng biktima, nandyan din daw ang madalas na pagpapaliban ng kanilang mga hearing dahil sa iba’t ibang dahilan.

“Kami na nga ang namatayan ang bagal pa ng takbo ng hustisya para sa kapatid kong walang awang pinagbabaril at napatay,” himutok na sinabi ni Emma.         

Inireklamo ni Emma sa amin na tinatakot umano ng suspek ang kanilang mga testigo kaya’t ayaw ng tumestigo. Nakipag-uganayan kami sa tanggapan ni PNP/Director General Avelino “Sonny” Razon upang tingnan kung may basehan nga ang sinasabi ni Emma. Kung totoo nga ito dapat siguro mapagsabihan itong si SP03 Blanza para ang katotohanan sa kasong ito ay lumabas at managot ang taong may kasalanan.

PARA SA anumang comments o reactions, mga biktima ng krimen ng karahasan o may legal problems maari kayong tumawag sa 6387285. Maari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854.

Maari din kayong magtungo sa aming tanggapan sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa “HUSTISYA PARA SA LAHAT” Lunes hanggang Biyernes, alas-3-4 ng hapon sa DWIZ, 882 khz at tuwing sabado naman alas-7-8 ng umaga. Kasama natin si DOJ Secretary Raul M. Gonzalez, Jezza Blameo at Charina Gonzalez.

* * *

Email address: [email protected]

BLANZA

ITONG

MARCELO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with