NGAYONG binura na ng Mataas na Hukuman ang balakid sa pagpatugtog ng Hello Garci recordings, maririnig na sa media ang mga kriminal na konbersasyon sa pagitan nina Gng. Arroyo at Commissioner Virgilio Garcillano. Paliwanag ni Chief Justice Puno sa kasong Chavez vs. Gonzales na ang pagha rang dito ng DOJ at NTC ay labag sa “Freedom of the Press” na ginarantiyahan ng Saligang Batas. Subalit sa kabila ng hatol ng Supreme Court ay patuloy pa rin ang pagbanta ni Sec. Raul Gonzales na sakop ng Anti-wiretapping law ang mga tape kaya kwidaw ang magpapatugtog nito sa publiko.
Kung labag sa Anti-wiretapping law ang sikat na recording, ang maaari lang magdemandang pigilan ito ay ang mga biktima ng krimen. Hindi naman umaamin sina Gng. Arroyo at Commissioner Garcillano na boses nila iyon. Sino ngayon ang magdedemanda? Pangalawa, kung totoong may karapatan sa kanilang “privacy” ang mga nasangkot, sa ilalim ng batas ay kanselado ito ng mas matimbang na interes ng publiko kapag, tulad dito, apektado ang publiko ng nilalaman ng recording.
Alam ito ni Sec. Gonzales. Subalit tuloy pa rin siyang nagbabanta. Dati itong respetadong abogado, Tanodbayan, Congressman at Impeachment prosecutor. Pero nasisikmura nitong magbigay ng mga warning na walang batayan na kalkuladong takutin lang ang media.
Kalkulado rin ang deklarasyon ng Palasyo na gawing Holi- day ang Lunes, Pebrero 25. Matagal na yatang hindi napahahalagahan ng ganito ang paggunita sa original EDSA Revolution. Pero siyempre, dahil natutunugan na ang mga planong kilos protesta sa Lunes, inunahan na ito ng deklarasyon na walang pasok.
Mukhang ito na lang ang natitirang taktika sa administrasyon. Dahil hindi hawak ang katotohanan, panay iwas at sangga. (E.O. 464, Executive Privilege.) Kapag matiklo, ipagkaila (Luli: my family has never made money illegally), kalimutan (Neri: I don’t remember saying that) o baliktarin ang katotohanan (Si Dep. Executive Secretary Money Gaite pa ang galit at inabuso raw ang kanyang pagmamagandang loob sa “PAUTANG” kay Lozada ng P500,000?) Kaya’t patuloy tayong napapailalim sa lambong ng karimlan.
May kasabihan si Brandeis na “SUNLIGHT IS THE BEST DISINFECTANT”. Anumang lagim ang dinaranas ngayon ng ating lipunan, tanging ang katotohanan lamang ang makapagbibigay lunas sa lahat.