Hindi patatalo si GMA kay Lozada
IBINUBUHOS na ng administrasyong Arroyo ang lahat ng makakaya para mabalewala ang mga paratang ng star witness na si Jun Lozada.
Kapansin-pansin na biglang naging aktibo ang gobyerno para mapawalang-saysay ang lahat ng mga isini walat ni Lozada sa Senado noong nakaraang linggo. Naging masalimuot ang pagdinig dahil sa paratang ni Lozada na siya ay kinidnap ng mga hindi kilalang tao pagdating sa NAIA. Ito ay para mapigilan siyang makadalo sa Senate na nag-iimbestiga sa katiwalian sa NBN/ZTE deal.
Naihalintulad ko si Lozada kay Haring David at ang mga taong gobyerno naman ang Goliath na nagpapalitan ng kani-kanilang mga alegasyon. Si Lozada ay nagmukhang kaawa-awa dahil nag-iisa kumpara sa mga tauhan ng Malacañang na humahawak ng mga malalaking posisyon sa pamahalaan na biglang naglalabasan upang baliktarin ang mga pagsisiwalat ni Lozada.
Masuwerte si Lozada dahil sa pagsaklolo sa kanya ng mga madre at mga kilalang grupo para proteksiyunan laban sa mga higanteng kalaban. Nabuhayan ng loob ang ilang mga dating umaalalay kay Lozada sapagkat dumami na sila na kinabibilangan ng mga dating Presidente na sina Cory Aquino, Fidel Ramos at Joseph Estrada, mga negosyante at pulitiko, dating Cabinet members ni GMA at marami pang impluwensiyal na tao sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Pero wa epek ito kay GMA. Hindi siya papayag ganundin ang kanyang mga tauhan na mapatalsik bago matapos ang kanyang termino sa 2010. Ang problema ay kung magpapahinga na kaya si GMA sa 2010. Baka sa bandang huli, si David ang magtagumpay.
- Latest
- Trending