MALAKAS na bang muli ang Abu Sayyaf at hindi lang basta pangkaraniwang mamamayan ang kanilang target na patayin kundi pati si President Arroyo? Huhummm! Sasalakay daw sa Metro Manila ang Sayyaf. Kung magagawa ito ng Sayyaf, walang katotohanan ang sinasabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala nang kakayahan ang Sayyaf at Jemaah Islamiyah na makapagsagawa ng karahasan sa bansa. Unang-una na raw dahilan ay kakaunti na ang miyembro ng Abu at watak-watak na. Sabi pa ng military, malapit nang mapulbos ang mga Abu. Maski si President Arroyo ay madalas pagbantaan ang Sayyaf. Inatasan niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na durugin ang Abu Sayyaf ganundin ang Jemaah Islamiyah. At sabi ng AFP hanggang ngayong 2008 na lamang ang mga terorista. E bakit ngayo’y nababaliktad na yata?
Ang planong pagpatay umano kay Mrs. Arroyo ay nadiskubre ng isang guwardiya sa isang establishment sa Metro Manila. Natagpuan umano ng guwardiya ang isang envelope na sa loob ay nakasulat sa Arabic ang planong asasinasyon. Ibinigay ng guwardiya sa mga pulis ang envelope at dinala naman agad sa Camp Crame. Isinalin sa Filipino ang nakasulat at kumpirmado ngang balak patayin ang Presidente. Ang planong iyon ang naging dahilan para kanselahin ni Mrs. Arroyo ang pagdalo sa PMA alumni homecoming sa Baguio City noong Biyernes.
Eksaktung-eksakto ang planong asasinasyon sa panahon ng imbestigasyon sa NBN anomaly kung saan lumantad si Rodolfo Lozada. Kahapon ay nagsagawa nang rally sa Makati ang iba’t ibang grupo. Nananawagan silang bumaba sa puwesto si Mrs. Arroyo.
Buhay na buhay pa kung ganoon ang Abu at taliwas sa sinasabi ng military na mahina na ang mga ito. At hindi lang basta karaniwang tao ang gustong itumba — pati Presidente ng Pilipinas.
Kung pati ang Presidente ay balak patayin, gaano na ang ibang tao. At sino pa ang magtitiwalang dayuhan na ligtas ang kanilang seguridad sa bansang ito kung pati ang Presidente ay pinagbabantaang patayin. Gayunman, nakapagdududa rin dahil eksakto ang plano sa paglantad ng testigo sa ZTE.
Nakapagbubuo ng hinala sa isipan na kaya lumabas ang mga ganitong banta ay para may mapagtakpang malaking isyu. Baka makadagdag lamang ito sa pagdududa ng mamamayan sa pamahalaan? Huhumm!