HANGGANG ngayon binibitin pa rin ni President Gloria Arroyo ang mga miyembro ng Regional Peace and Order Council XI sa di paghirang nito ng papalit kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang chairman ng council.
Si Duterte, na naging RPOC XI chairman sa loob ng 17 taon ay nag-submit ng kanyang irrevocable resignation noong first week ng January. Ito ay sa kadahilanan umano na gusto na niyang magpahinga at gusto rin niyang magamit ang mga unused leave credits niya na umabot na raw sa 180 days.
At kahit anong pilit ng mga gobernador, military at police officials at regional directors ng iba’t ibang national government agencies na miyembro ng RPOC dito sa Southern Mindanao, sa pamamagitan ng isang resolution na sana magbago ang isip niya at manatili siya bilang RPOC XI chairman, umayaw pa rin si Duterte.
Ang mga governor ng rehiyon, tulad nina Davao del Sur Gov. Douglas Cagas at Compostela Valley Gov. Arthur Uy, ay talagang naghanap ng paraan, pero bigo silang makausap at ma-convince si Duterte na pumayag na sa hinihingi nilang sana’y manatili siya bilang RPOC chairman.
Sa isang resolution din na pinasa ng mga RPOC XI members noong huling meeting nila, hiningi rin nila kay President Arroyo na mai-reappoint si Duterte as chairman pagkatapos nitong magbitiw sa tungkulin.
Ayon kay Duterte, talagang di na magbabago ang isip niya. Talagang ayaw na niyang maging RPOC XI chairman.
Oo, andun na tayo na ayaw na talaga ni Duterte na maging RPOC XI chairman. Pabayaan na si Duterte na kung talagang ayaw na niya, eh, di respetuhin ang kanyang kagustuhan.
Pero, hindi pupuwedeng nakabitin ang lahat sa di agarang desisyon ni President Arroyo sa bagay na ito.
Nakasalalay ngayon sa mga kamay ni President Arroyo ang paghirang ng bagong RPOC XI chairman. Ika nga, “the ball is in the hands of the President”. Hanggang ngayon, wala pa ring aksyon si Mrs. Arroyo maging sa resolution na pinasa ng mga RPOC XI members para sa re-appointment ni Duterte.
Kailangang maging clear sa mga bagay na ito si President Arooyo. Maging ang resignation ni Duterte ay kailangan din na aprubado ng Presidente. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring balita kung ito ay inaksyonan na ba talaga ni Mrs. Arroyo.
Ang process umano sa RPOC ay kailangan ng approval ng Secretary of Interior and Local Government bilang National Peace and Order Council chair at ni President Arroyo, ang resignation ng chairman.
At kung sakaling aprubado na ang resignation, ang regional police director ay tatayong acting chairman ng RPOC. And regional police director ay kailangang tumawag ng meeting na kung saan ang mga RPOC members ay hihirang ng kanilang mairekomenda sa Presidente bilang bagong chairman. At saka lang makaupo talaga bilang RPOC chairman ang sinong irerekomenda nito pang aprubado uli ni President Arroyo.
Si Southern Mindanao regional police director Chief Superintendent Andres Caro II ang kasalukuyang acting chairman ng RPOC XI.
Ayon kay Compostela Valley Gov. Uy , kailangan na talagang magdesisyon si President Arroyo ukol sa isang sensitibong bagay katulad ng nabakanteng posisyon ng RPOC XI chairman.
Sinabi ni Governor Uy na hindi pupuwedeng nakabitin ang pagtuon sa peace and order situation sa rehiyon dahil lang sa rason na si President Arroyo ay hindi pa makapag-decide.
Sinabi ni Uy, hindi naman din daw nila napag-usapan ni Presidente Arroyo ang tungkol sa nabakanteng position ng RPOC chairman nang ang Presidente ay dumating sa Tagum City noong February 8 para sa Local Peace and Security Assembly.
Marami ang umasa na ang paksa tungkol sa nabakanteng position ng RPOC XI chairman ay tatalakayin ni President Arroyo sa kanyang talumpati sa nasabing pagtitipon sa Tagum City. Pero, nabigo ang lahat dahil wala siyang sinabi tungkol sa isang napakahalagang bagay para sa rehiyon, ang chairmanship ng RPOC XI.
ASAP ito, Madam President, ano ba talaga?