PARA sa ordinaryong Pinoy na natutulog araw-araw ng pagod at gigising na naman ng pagod — sa kakakayod sa maghapon makakain lang ng tatlong beses sa isang araw ang pamilya… parang singaw si Jun Lozada na ngayon ay laman ng lahat ng diyaryo, radyo at telebisyon. Kung di gaanong nasusundan ang mga kalokohan sa palakad ng gobyerno at ang mga pagsisirkong ginagawa ng media sa pagkuha ng istorya ay di mo nga mapagtatagpi-tagpi mga kaganapan. Sino ba ang taong ito na nag-iiyak sa TV at nagbu bulalas ng mga nalalaman daw niya tungkol sa isang umano’y transaksyong maanomalya kung saan may mga malalaking pangalan na binuko at bilyun-bilyong piso ang pinag-uusapang mabubulsa lang ng mga kurakot?
Napakalaking balita nito — kaya naman pinagkakaguluhan ng media. Marami na masyado at napakatagal nang panahon na suspetsa ito nang marami sa kababayan natin ukol sa garapal na pangungurakot sa pamahalaan. Pero heto — may nagsalita na. Diretsong dinadawit ang malalaking isda na tila nahuli ng bingwit sa bibig: “Sec, may 200 ka dito!” sa kuwento ni Sec. Romulo Neri o kaya ay “Ah, kung ganyang mahirap kayong kausap kalimutan na natin lahat ng pinag-usapan natin!” sa kuwento ni Lozada o di kaya ay “Back-Off!” sa kuwento ni Joey de Venecia. Si Lozada ang may pinakamaraming naikuwento sa tatlong tumestigo laban sa mga gustong kumita raw sa ZTE broadband deal project sa pagitan ng Pinas at China. Siya kasi ay isa sa mga nasa loob mismo ng mga usapan sa proyektong ito — at hindi pumreno, tulad ng kaibigan niyang si Romy Neri.
Nabigyan ako ng ekslusibong pagkakataon na makausap si Jun Lozada noong Linggo. Itong nag-iisang tao na ngayon ay tinitingala ng marami bilang buhay na bayani. Siya’y nagsasalita kahit pa may banta sa kanyang buhay, sa kaligtasan ng kanyang asawa at limang anak, sa kabila ng kawalan nila ng ipon at kawalan ng seguridad sa kanilang kinabukasan. Sabi nga niya sa akin, “Alam naman natin ang nangyayari madalas. Matapos kang pakinabangan sa iyong testimonya ay pababayaan ka na lang. Mabuti pa silang mga nagnanakaw, maaayos at nagpapasarap sa mga bahay nilang malalaki. Eh ang mga tulad naming nagsasabi ng totoo, kami pa ang nagtatago at tumatakbo sa takot. Ni hindi ko makasama ang pamilya ko sa pagsimba…” pailing-iling na sentimyento ni Jun.
Kakatapos lang ang press conference noon ni dating Comelec Chairman Ben Abalos – ang pangunahing nadadawit sa testimonya ni Jun Lozada na siya raw nagpipilit na makakuha ng US$130-milyon o may ilang bilyong pisong kickback umano sa ZTE project. Sabi ni Abalos ay naninira raw at sinungaling si Lozada — at ni walang maipakitang ebidensiya na magpapatu- nay sa sinasabi niya. Mali-mali rin daw ang mga petsa sa kanilang mga testimonya at mga aktwal na pangyayari. Sabi naman ni Jun, “Naku, bumenta na kamo yang drama na yan ni Chairman sa akin. Paiyak-iyak pa yan sa isang meeting namin kasama ang mga Chinese at sinabing, “Hindi ko kayang magnakaw sa bayan ko…!” Pagkatapos ilang linggo lang ang nakaraan tumatawag at minumura na ako sa pagpilit sa komisyon niya,” kuwento ni Lozada.
(May karugtong)