‘Ang bata sa sako’

Isang kwentong gumimbal sa akin sa umpisa ng Chinese New Year at pagpasok ng taon na binansagang “Year of the Rat.”

Naisip ko na tila akma ang kwento ngayong araw na ito kung saan ang isang batang babae, gamit ang  kanyang mga ngipin kinagat-kagat na parang daga ang dalawang sako na pinangsaklob sa kanya upang makahinga matapos itong gahasain at tangkang patayin.

Tuloy natin ang paglalahad ng mala-teleseryeng kwento ni “PAMELA” (‘di tunay na pangalan), pitong taong gulang na kinalap at ikinwento sa aming staff na si Jezza Balmeo sa “CALVENTO FILES at HUSTISYA PARA sa LAHAT.”

Si Elsa Yu ng Quezon City, upang humingi ng tulong hinggil sa nangyari sa kanyang anak.

Panganay sa dalawang magkapatid ang biktima. Grade one na dapat ang biktima subalit madalas ang pag-absent nito sa eskwelahan dahil masakitin kaya naman minabuti na patigilin na lamang ito.

Taong 1996 nang manirahan si Elsa sa Sitio Mendez, Baesa, Quezon City. Dito na sila nagkakilala ni Sonny hanggang sila ay magsama bilang mag-asawa. Ang pagtitinda ng isda sa talipapa ang kinabubuhay ng mag-asawa. Tuwing umaga nagpupunta sila sa Navotas upang bilhin ang kanilang panindang isda kaya’t kadalasan hapon na sila kung magtinda.

Ito ang dahilan kung bakit pasado alas otso na ng gabi kung sila ay makauwi sa kanilang bahay araw-araw.

Sa kapatid ni Elsa, na si Vivian iniasa ang pangangalaga ng kanilang mga anak kapag nagtitinda silang mag-asawa.

“Alam naman natin na hindi ganun ka laki ang kita sa pagtitinda ng isda. Lumalaki ang aming pamilya at gastusin subalit hindi naman nagbabago ang kita kaya kailangan gumawa kami ng paraang mag-asawa,” ayon kay Elsa.

Nag-apply itong si Sonny upang magtrabaho sa ibang bansa. Pinalad naman siya na napaalis ng isang agency upang makipagsapalaran nung  Enero 2008 nang magpunta ito sa Qatar.

“First time ni Sonny ang mangibang bansa. Para naman sa mga anak namin ang pag-alis niya. Mas bubuti ang aming buhay,” sabi ni Elsa.

Hindi naman tumigil sa pagtitinda si Elsa. Patuloy pa rin siya sa pagsisikap para may pang gastos silang mag-iina.  Halos isang buwan pa lamang si Sonny sa Qatar isang trahedya ang susubok sa katatagan ng kanilang pamilya at pana­nam­palataya sa Panginoon.

Ika-3 ng Pebrero 2008… sa rooftop ng 56 Sitio Mendez, Baesa, Quezon City…. Alas-4 ng hapon…

Naghahanda na si Elsa para sa kanyang pagtitinda sa talipapa. Nagpaalam naman ang kanyang anak na pupunta lamang sa bahay nina Mae Ganaden. Kapitbahay nila’t kasama sa pagtitinda. Alam ni Elsa na tuwing pupunta sa kanilang bahay itong si Pamela ligtas ang kanyang anak sa anumang panganib. Wala namang kakaibang napansin sa bahay na yun kayat nakakagulat ang mga susunod na kaganapan.

Batay sa “first hand account” ng pangunahing testigo sa lugar na yun nabuo ang salaysay na ito.

Si Rosario “Rosie” Jimenez ay may tindahan sa ibaba ng bahay sa Sitio Mendez, Baesa, Quezon City. Ito ang dahilan kaya nung araw na yun  akyat-baba siya sa naturang lugar.

Sa roof top ng nasabing lugar ay meron bodega. Nang isasara na ni Rosie ang pinto ng kanyang bodega napansin niya na merong sako na nakasandal sa gilid ng pintuan. Nung una ay inakala niyang gamit lang ng may-ari ng inuupahan nila ang nakatambak sa loob ng sako. Hindi niya alam kung bakit daw naisipan ni Rosie na kapain ang sako. Nabigla ito ng maramdaman niyang may gumalaw sa loob.

Isang boses ng isang bata ang nadinig ni Rosie na nanggaling mismo sa loob ng sako.

“Nagpakilala ang anak ko at kinausap ito ni Rosie habang pilit na binubuksan ang sako. Hindi niya nabuksan ang sako dahil sa takot. Nanginig daw ang kanyang buong katawan,” ayon kay Elsa.

Ang ginawa ni Rosie pinuntahan niya si Mae. Pagkatapos nun ay dali-dali naman nagpunta ito sa bodega kasama ang iba pa nilang mga kapitbahay. Pinagtulungan nilang kinalag ang mga packing-tape na nagsara sa dalawang sako.

Nang makalabas mula sa sako ang biktima gulat na gulat silang lahat. Wala na itong panty, naka-t-shirt na lang at basa pa ito. Awang-awa sila sa kalagayan ni Pamela dahil duguan ito sa dami ng sugat sa ulo at galos sa katawan.

Alas-7 ng gabi ng natagpuan si Pamela sa loob ng isang sako.  Pasado alas siete naman ng ipagtapat ni Pamela na ang anak na binata ni Mae na labing apat na taong gulang ang may kagagawan ng krimen na ito.

Natigilan si Mae at nagtinginan lahat ng mga nandun na nakapalibot kay Pamela. Hindi rin makapaniwala si Mae na kayang gawin ng kanyang binatilyong anak. Walang dahilan para magsinungaling ang bata.

Agad tinawag si Elsa mula sa talipapa upang ipagbigay-alam ang nangyari sa anak.

“Para akong sira-ulo na hindi alam ang mga nangyayari. Nagmamadali ako…tumatakbo…umiiyak…Hindi ko kaya ang mga nangyayari sa buhay ko nung mga sandaling yun. Dasal ako ng dasal sa Panginoon na iligtas ang aking anak. Pitong taong gulang pa lamang siya. Ano ang aming kasalanan para sasapitin ang ganitong trahedya? Wala kaming inagrabyadong tao. Simple lamang kami pareho ng iba ang tanging gusto ay matawid ang aming pamilya sa araw-araw,” paiyak na litanya ni Elsa.

Kaya ba ng isang labing apat na taong gulang ang manggahasa, pagpapaluin sa ulo ang isang pitong taong gulang na paslit, isilid sa sako at lagyan ng packing tape, isilid muli sa isa pang sako para maikubli ang dugo na tumagos sa unang sako, kaladkarin sa roof top at ilagay sa bodega sa gilid ng pinto? Kaya ba ito ng iisang tao lamang? Anong palagay ninyo?

Ang kasagutan sa mga tanong na ‘yan ay malalaman ninyo sa pagpapatuloy ng kwento ni Pamela.

ABANGAN SA MIYERKULES eksklusibo dito lamang sa “CALVENTO FILES sa PSNgayon.”

Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments