NAKALULUNGKOT ang balita na may 111 OFWs na stranded ngayon sa Saudi Arabia at nakatira na lamang sa ilalim ng isang tulay doon. May kasama pa silang 18 babae at may isang bata pa nga na kasama nila na ipinanganak doon.
Ano ang dahilan kung bakit hindi sila kinupkop at inalagaan ng ating embassy sa Riyadh? Kahit marami sila, sa tingin ko magkakasya naman sila sa loob ng embassy kung sana ay pinayagan na lang sila na tumira muna roon habang naghihintay ng kanilang repatriation.
At kung hindi naman talaga sila puwede sa loob ng embassy, bakit hindi na lang sila hanapan ng isang bahay o anumang mas disente na matulugan sa halip na pabayaan silang parang mga hayop na nakakalat lamang sa labas?
Hindi ba’t ayon sa ating Foreign Service Act, ang protection ng mga OFW ang pangunahing tungkulin ng Secretary of Foreign Affairs pagdating sa usapan ng economic diplomacy? Hindi ako naniniwala na hindi pa nakakarating sa attention ni Secretary Alberto Romulo ang problemang ito. Bakit pinabayaan niya ang mga ito?
Salamat sa Migrante International, nalaman ko ang naging masamang kapalaran ng ating mga kababayan. Kung wala ang Migrante, hindi na naman natin malalaman ang problemang ito, dahil wala naman tayong narinig sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ngayong lumabas na sa balita ang isyung ito, maa aring kikilos na ang embassy at ang DFA, ngunit bakit kailangan pa na lumabas sa media bago sila kumilos? Ganoon na ba talaga ang kanilang patakaran na kung walang isyu ay wala rin silang pagkilos?
Hiniling ng Migrante sa embassy na huwag nang patagalin ang repatriation ng ating mga kababayan at ang sabi ng Migrante, huwag na sana gawing biktima ang mga stranded na OFW sa matinding proseso upang sila ay makauwi na kaagad.
May budget na kaya na nakalaan para sa kanilang pamasahe pauwi? Dapat ilabas na ang pera na ito at huwag nang patagalin pa.